Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) matapos makita ang isang lalaking residente ng Barangay Warey, Malasiqui na inatake ng seizure habang naglalakad sa sentrong bahagi ng bayan.
Ayon sa ulat, nagtungo umano sa bayan ang nasabing indibidwal upang magsolicit para sa pambili ng kanyang mga gamot nang siya ay biglang atakihin. Mabuti na lamang at napansin ng mga kawani ng Task Force Disiplina ang kanyang kalagayan at agad siyang inasistehan upang matiyak ang kanyang kaligtasan.
Nakipag-ugnayan din ang PWD at MSWD sa PDAO ng LGU-Malasiqui upang maipabatid ang sitwasyon at maayos ang kaukulang koordinasyon. Bagama’t una sanang planong dalhin ang pasyente sa Bayambang District Hospital (BDH) dahil sa kanyang kondisyon, hindi agad makontak ang kanyang guardian na nakasaad sa kanyang PWD ID.
Sa huli, sa tulong ng mga tauhan ng Task Force Disiplina, ligtas na naihatid ang nasabing residente pabalik sa kanilang tahanan sa Barangay Warey, Malasiqui.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga kahalintulad na insidente upang mabigyan ng agarang tulong ang mga nangangailangan. (RSO; TFD, PDAO)






