Upang masiguro ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kapakanan, proteksiyon, at pag-unlad ng mga mamamayan, nagsagawa ang Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRP) ng sectoral meeting para sa Socio-Cultural Development and Social Protection nitong Nobyembre 25 sa Mayor’s Conference Room.
Pinangunahan ang pagpupulong ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, kasama si sectoral Chairperson, Dr. Adrienne Estrada.
Tinalakay sa pulong ang 4th quarter accomplishments at ongoing programs ng mga kaugnay na departamento.
Kabilang dito ang updates mula sa RHU I–III, kung saan iniulat ang nagpapatuloy na anti-rabies vaccination at anti-dengue campaigns, ang progreso ng Primary Care Facility ng RHU II, at ang bilang ng mga blood bags collected para sa medical readiness. Naiulat din ang 7 kaso ng teenage pregnancy, kung saan ang pinakabata ay 14 taong gulang mula sa Barangay Batangcaoa.
Nagbahagi naman ang Local Civil Registry (LCR) ng mga hakbang para sa tuluy-tuloy na pagrehistro ng mga unregistered individuals, kabilang ang mas pinaigting na barangay coordination at pakikipag-ugnayan sa Philippine Statistics Authority para sa libreng serbisyo. Inanunsyo rin ang nalalapit na Kasalang Bayan sa Pebrero 12, 2026.
Mula sa Bayambang Public Safety Office (BPSO), iniulat ang pagpapatuloy ng Task Force Disiplina, ang pag-install ng mga bagong CCTV camera sa ilang barangay, ang pagsasagawa ng mga road safety seminar para sa mga motorista, at ang paglalagay ng kabuuang 32 bagong signages sa buong bayan.
Nagbigay din ng update ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) hinggil sa nagpapatuloy na solo parent validation activity bilang paghahanda sa implementasyon ng subsidy program sa susunod na taon.
Samantala, iniulat ng Local School Board (LSB) ang dropout at completion rate sa mga paaralan, indikasyon ng pagbuti ng educational support services.
Nagtapos ang pulong sa isang open discussion, kung saan nagbahagi ng dagdag na updates at mungkahi ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento upang higit pang mapatatag ang socio-cultural at social protection programs ng bayan. (RGDS/RSO; RGDS)








