BPC, Nagsagawa ng 4-Day Institutional Capacity Building and Development Training

Isang Four-Day Institutional Capacity Building and Development Training ang matagumpay na idinaos ng Bayambang Polytechnic College (BPC) noong Nobyembre 11–14, 2025 sa Silverconcha Wavepool Resort and Hotel, Brgy. Malimpec.

Sa temang “Strengthening Institutional Excellence Towards CHED Recognition and Smart-Agricultural Innovation,” layunin ng aktibidad na palakasin ang kapasidad ng mga kawani at guro ng kolehiyo tungo sa pagkamit ng CHED recognition at sa pagsusulong ng makabagong inobasyon sa agrikultura.

Ang programa ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education – Region I at ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng BPC na paunlarin ang kalidad ng edukasyon at pamamahala sa institusyon.

Ilan sa mga tampok ng ika-apat na araw ng aktibidad ang pagtalakay at presentasyon ng Bayambang Polytechnic College Roadmap na pinangunahan nina Dr. Rafael Limueco Saygo, College President; Mr. Anthony D. Dela Cruz, Academic Affairs Coordinator; at mga faculty members na sina Ms. Erica S. Rosales at Ms. Bethel Charis C. Elevazo.

Nagbigay naman ng inspirational message si Dr. Cezar T. Quiambao, founder ng BPC, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpapaunlad at pagsunod sa pamantayang itinakda ng CHED para sa institusyonal na kahusayan.

Sinundan ito ng Pledge of Commitment na pinangunahan ni Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose Quiambao, Chairman of the Board of Trustees, bilang simbolo ng kolektibong pangako ng lahat ng miyembro ng BPC sa pagpapatupad ng roadmap ng kolehiyo.

Natapos ang aktibidad sa panawagan para sa pagkakaisa, dedikasyon, at patuloy na paghubog ng isang matatag, kinikilala, at makabagong Bayambang Polytechnic College na tunay na maipagmamalaki ng bayan. (RSO BPC)