“Kung walang BPC, saan kaya sila mag-aaral?”
Ito ang sambit ni Bayambang Polytechnic College (BPC) President, Dr. Rafael L. Saygo, matapos niyang ianunsyo na 92 sa pinakaunang batch ng mga estudyante ng BPC ay magtatapos na sa pag-aaral sa darating na Hunyo at sasabak bilang OJT para sa kursong BS Entrepreneurship at BS Agribusiness.
Matapos ang kanyang paghatid ng naturang mensahe ngayong araw, Pebrero 9, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, kanyang tinawag ang mga ito sa entablado upang ipakilala.
Karamihan aniya sa kanila ay mga first-generation college students, samantalang marami rin ang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Saygo na ang mga sakripisyo nina Mayor Niña Jose-Quiambao, Dr. Cezar T. Quiambao, at ng kanilang pamilya para sa institusyon ay sulit, dahil “hindi lamang paaralan ang kanilang itinayo kundi isang kinabukasan para sa mga kabataan ng Bayambang.”
Kasabay ng pagpapakilala sa mga estudyante ay ang ceremonial awarding ng tseke na nagkakahalaga ng P15,307,600.00 — isang personal na donasyon ng First Couple ng Bayambang.
Ang halagang ito ay inihandog para bayaran ang tuition fee ng mahigit 1,100 mag-aaral ng BPC para sa Taong Panuruan 2026 bilang pagpapakita ng kanilang malasakit at paniniwala sa potensyal ng edukasyon na baguhin ang buhay ng mga kabataan.
Ang unang bahagi ng donasyon ay pormal na tinanggap ng Acting Municipal Treasurer Charmaine Bulalakaw, kasama ang Local Finance Team. (VMF/RSO; Ralph Jian Samson, RobC)

