Bonggang Culmination Activity ng MTICAO, Nagmarka sa Pagdiriwang ng Tourism Month 2024

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Turismo ngayong taon ay nagtapos sa isang parangal sa nakabibighaning talento sa pagsulat ng iba’t-ibang klase ng tula at awit, sa makulay na programang inorganisa ng Municipal Tourism, Information and Cultural Affairs Office sa ilalim ni Dr. Rafael L. Saygo, noong  Oktubre 7, 2024 sa Balon Bayambang Events Center.

Pinangunahan ang pagkilala nina Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice Mayor Ian Camille Sabangan, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad.

Nagpasalamat si Mayor Niña sa lahat ng mga sumali sa Anlong (Poem Writing) at Cancionan (Song Writing) contests sa paglaan ng kanilang puso at talento sa kanilang mga likha.

Sa Cancionan, nagwagi bilang grand winner ang energetic na pop song na “Gala Dya” ng grupong JL. First placer naman ang makabagbag-damdaming “Bisig ng Pagmamahal” ni Efren Medina, at second placer naman ang masayang jingle na “BYB” ni Andrew Casipit.

Sa Anlong naman, sa Filipino category, nagwaging grand winner ang “Mga Yapak ng Gunita ng Pag-ibig” ni Billy Joe Sibayan. Ito ay sinundan ng “Mikropono” ni Kyla U. Gravidez bilang first placer at “Panata ng Isang Bayambangueño” ni Krizzia Mae J. de Guzman bilang second placer.

Sa English category naman, grand winner ang piyesang “As Bayambang Breathes” ni Rodrigo Joshua Reducto. First placer ang “Bayambang Nation: The Seat of Lifetime Legacies” ni Caroline Nazareno-Gabis. Second placer naman ang “Bayambang: A Newfound Place” ni Shyna Dinong.

Sa Pangasinan category, grand winner ang “Tatak Bayambang” ni Melita J. Ocomen. First placer ang “Ga, Galila ed Bayambang” ni Adrian Cedrick E. Abalos. Second placer ang “Bayambang Nidumaduma” ni Mary Jane F. Gonzales.

Ang dalawang patimpalak ay nakatulong sa pagsulong ng sining at kultura ng Bayambang at isang patunay na walang kupas ang talento ng mga Bayambangueño. (Patrick Salas, VMF/RSO; AG)