Nagsagawa ng isang mobile blood donation activity ang Rural Health Unit (RHU) III kasama ang Philippine Red Cross–San Carlos Chapter ngayong araw, ika-26 ng Marso 2025, sa Carungay Covered Court.
Ang aktibidad, na may tema na “Compassion in Action through Blood Donation,” ay naglalayong makakalap ng dugo para sa mga nangangailangan sa mga ospital sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa pagbubukas ng aktibidad, maraming residente ng Carungay at mga kalapit na barangay ang dumating para mag-donate. Siniguro ng mga staff ng RHU III at Philippine Red Cross na sumunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalinisan sa buong proseso ng pagdodonate.
Binigyan din ang mga donor ng libreng pagkain at inumin pagkatapos ng pagbibigay ng dugo.
“Araw-araw, maraming pasyente ang nangangailangan ng dugo para sa operasyon, paggamot sa sakit, at iba pang emerhensiyang sitwasyon. Sa pamamagitan ng ganitong aktibidad, sama-sama nating tinutugunan ang pangangailangang ito at ipinapakita ang pagmamalasakit natin sa kapwa,” ani Dr. Roland Agbuya, Punong Doktor ng RHU III.
Aniya, “Ang bawat bag ng dugo ay maaaring makapagligtas ng tatlo hanggang limang buhay.”
“Hinihikayat din ang iba pang mamamayan na sumali sa mga darating pang blood drive para patuloy tayong makapagbigay ng tulong,” dagdag pa niya.
Sa kabuuan, sa 30 residenteng nagparehistro, 23 katao ang matagumpay na nakapag-donate ng dugo sa aktibidad.
Plano ng RHU III at Philippine Red Cross na magsagawa pa ng mga katulad na programa sa iba pang barangay sa Bayambang sa mga susunod na buwan. (VMF/RSO: RHU III)




