Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bayambang Tourism Month 2025, isang Binasuan Dance Workshop ang isinagawa nitong Oktubre 14, sa Balon Bayambang Events Center, sa pangunguna ng Municipal Tourism, Information and Cultural Affairs Office (MTICAO).
Pinangunahan ni Councilor Jan Nazer David Junio ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanyang pambungad na mensahe.
Sinundan ito ng espesyal na mensahe ni Prof. Januario Cuchapin, Executive Director ng Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts at tagapagtatag ng Matalunggaring Folk Dance Troupe na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagpapanatili ng mga tradisyunal na sining tulad ng binasuan—isang tanyag na sayaw na nagmula mismo sa Bayambang.
Nagsilbing instructor sa naturang workshop ang mga miyembro ng Matalunggaring Folk Dance Troupe kasama ang kanilang coach na si Mr. Jordan Neri, na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa masiglang pagsasayaw ng binasuan.
Sa aktibidad, matagumpay na nahikayat ang mga kabataan at lokal na mananayaw na ipagpatuloy ang pagsasayaw ng binasuan bilang simbolo ng yaman ng kultura ng Bayambang, at upang mapanatiling buhay ang isa sa mga tradisyong naglalarawan ng pagkakakilanlan ng mga Bayambangueño. (RGDS/RSO; AG)









