BFP-Bayambang, Nag-clean-up Drive sa Poblacion Sur

Bilang parte pa rin ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso, nagsagawa ang Bureau of Fire Protection (BFP) Bayambang Fire Station ng isang clean-up drive sa Brgy. Poblacion Sur, katuwang ang Barangay Council at mga residente ng lugar ngayong araw, Marso 21, 2026.

Bagamat hindi direktang operasyon sa pag-apula ng sunog, binigyang-diin ng BFP na ang pagpapanatili ng kalinisan sa komunidad ay mahalagang bahagi ng fire prevention. Ang pagtanggal ng mga basurang maaaring pagmulan ng sunog tulad ng tuyong dahon, plastik, at iba pang madaling magliyab na materyales ay nakatutulong upang mabawasan ang panganib ng sunog, lalo na sa panahon ng tag-init.

Ayon sa BFP Bayambang, ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang nakatuon sa kaligtasan kundi pati na rin sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at komunidad. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, mas napapalaganap ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng disiplina at kooperasyon o bayanihan sa pag-iwas sa sunog. (RSO; BFP)