Bilang bahagi ng pagsusulong ng responsable at episyenteng paggamit ng enerhiya, nagsagawa ang pamahalaang bayan ng Bayambang ng Energy Efficiency and Conservation Orientation ngayong araw, Hulyo 2, 2026, sa Balon Bayambang Events Center.
Nag-umpisa ang programa sa pamamagitan ng pambungad na mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelyn Rajini S. Vidad, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad sa pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng pagtitipid ng enerhiya at pangangalaga sa kalikasan.
Dumalo rin sa naturang programa si Councilor Rhyan de Vera bilang suporta sa mga usaping makatutulong sa pagtitipid ng kuryente sa bayan.
Sa nasabing orientation, sinimulan ni Engr. Rudyfer P. Macaranas ng Municipal Engineering Office ang talakayan sa pagpapakilala sa Republic Act No. 11285 o Energy Efficiency and Conservation Act, kung saan ipinaliwanag niya ang mga pangunahing probisyon ng batas at ang mga pinakamahusay na kasanayan sa episyenteng paggamit ng enerhiya.
Kasunod nito, ibinahagi ni Engr. Woody G. Erama, Electrical Consultant, ang mga pangunahing bahagi at iba’t ibang uri ng solar installation, kabilang ang wastong pagpili at paggamit ng mga solar energy system.
Tinalakay naman ni Engr. Macaranas ang proseso ng pagkuha ng Electrical Permit at Certificate of Final Electrical Inspection (CFEI) para sa mga bagong solar project, habang ipinaliwanag naman ng CENPELCO ang aplikasyon ng net metering at ang mga benepisyong hatid nito sa mga gumagamit ng solar energy.
Samantala, nagbigay ng mahalagang talakayan si FSInsp Raymond C. Palisoc ng Bureau of Fire Protection – Bayambang Station Office hinggil sa fire safety at tamang electrical installation, upang matiyak ang kaligtasan sa paggamit ng mga electrical at solar systems.
Bilang pangwakas na mensahe, hinikayat ni Municipal Engineer Bernadette D. Mangande ang mga kalahok na isabuhay ang mga natutunang prinsipyo ng energy efficiency at conservation bilang ambag sa pangangalaga sa kapaligiran at sa pagpapaunlad ng isang mas ligtas, mas matipid, at mas sustenableng paggamit ng enerhiya. (JLT; AG)



















