Upang lalo pang mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka at kooperatiba sa makabagong teknolohiya, partikular na sa paggamit ng mga biofertilizer, isinagawa nitong Agosto 20-21, 2025 ang serye ng aktibidad sa ilalim ng BIOTECH Empowerment and Assistance of Communities and the Nation for Sustainability (BEACONS), isang programa ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) ng University of the Philippines – Los Baños katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang.
Dinaluhan ng humigit-kumulang na 150 magsasaka at farmer-cooperators, itinampok sa dalawang araw na pagsasanay ang mga lektura at aktuwal na demonstrasyon mula sa mga eksperto ng UPLB-BIOTECH sa Technology Transfer and Business Development Program (TTBDP) at Biotechnology for Agriculture and Forestry Program (BAFP).
Tinalakay rin dito ang iba’t ibang uri ng mga biofertilizer gaya ng Micromix, BioGroe, at Mykoplus, at kung paano ito maaaring gamitin sa iba’t ibang pananim tulad ng palay, mais, talong, sibuyas, kamatis, at pakwan.
Bukod dito, isinagawa rin ang mga focus group discussions, action planning, at field demonstration upang matukoy ang aktuwal na pangangailangan ng mga magsasaka at angkop na aplikasyon ng mga produkto sa sakahan.
Sa pamamagitan ng BEACONS, umaasa ang LGU-Bayambang at UPLB-BIOTECH na mas mailalapit ang agham at teknolohiya sa mga barangay, isang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kaunlaran at mas matatag na sektor ng agrikultura sa bayan. (DCPC/CTM/MADD/RGDS/RSO; AG)




















