Nagtagisan sa husay at ganda ang mga kandidata ng Binibining Bayambang 2026 sa pre-pageant activity na ginanap noong Marso 15, 2026 sa Balon Bayambang Events Center, kung saan ipinakita ang angking talino at kagandahang tatak-Bayambang.
Kasama sa parteng ito ng patimpalak ang talent competition, gown competition, at creative costume segment. Ang lahat ng kategorya ay may temang umaayon sa kultura at identidad ng bayan, kung saan ang mga kagamitan at istilo ay pawang inspirasyon mula sa mga tradisyon, produkto, at kasaysayan ng Bayambang.
Nagsilbing hurado ang mga kilalang personalidad sa larangan ng pageantry, media, at kultura: sina Ian Mendejar, isang kilalang pasarela trainer at nagbibigay ng propesyonal na pagsasanay para sa mga beauty queen, bilang Chairman ng Board of Judges; Binibining Bayambang 2018 Gabrielle Marie Reloza; Consultant for Media Affairs, Dr. Leticia B. Ursua; Bayambang Municipal Council for Culture and Arts Executive Director at eksperto sa kultura at sining ng Bayambang, Prof. Januario Cuchapin; at businesswoman at dating Miss Bayambang na si Ms. Rowena Parazo Fernandez.
Dumalo rin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kabilang si Vice-Mayor IC Sabangan, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, at MTICAO head, Dr. Rafael Saygo, upang suportahan ang mga kandidata at ipakita ang pagpapahalaga ng LGU sa mga aktibidad na nagpapalaganap ng lokal na kultura at nagpapaunlad ng mga kakayahan ng mga kabataan ng Bayambang.
Sa pamamagitan ng pre-pageant na ito, binigyang-diin ng mga kandidata ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa sariling bayan at pagpapakita ng mga yaman ng Bayambang sa harap ng publiko. Ang mga nanalo sa mga segment na ito ay makakakuha ng karagdagang puntos para sa nalalapit na coronation night ng Binibining Bayambang 2026. (VMF/RSO; James Aldrin Bacani)







