Patuloy ang bayanihan ng LGU at iba pang ahensya at grupo upang maghatid ng 24/7 na serbisyo-publiko para sa mga Bayambangueño sa kabila ng pagbaha matapos ang paghagupit ng bagyong ‘Egay.’
Sa kasagsagan ng bagyo, ang MDRRMC, sa direksyon ni Mayor Niña Jose-Quiambao at pangunguna ng MDRRMO, ay walang tigil sa pagmonitor ng water level sa Calvo Bridge at Romulo Bridge, pagmonitor sa PAGASA website, at pagready sa mga rescue equipment at vehicles kung sakaling kailangang magresponde.
Nandiyan din ang DILG, PNP, BFP, Engineering Office, BPSO, at RHUs upang magbigay ng anumang suporta na kailangan ng MDRRMC, lalo na sa personal na pag-inspeksyon sa kalagayan ng bawat nasalantang barangay upang mavalidate ang nakalap na mga ulat.
Sinuyod naman ng Agriculture Office ang mga farming barangays upang mamonitor ang mga tanimang naapektuhan ng pagbaha.
Inabisuhan din ng DILG at iba pang miyembro ng MDRRMC ang mga barangay officials na agad na makipag-ugnayan sa Munisipyo kung may kailangang ievacuate o bigyan ng ayuda.
Paghupa ng ulan, nag-ikot naman ang MDRRMO katuwang ang BFP upang magsagawa ng Rapid Damage and Needs Analysis kasama ang clearing operation activities at iba pang assistance.
Kasalukuyang naghahanda ang MSWDO, katulong ang Kasama Kita sa Barangay Foundation at Niña Cares Foundation, ng mga ayuda para sa mga lumubog ang bahay sa baha.
Samantala, sunud-sunod ang paglathala ng Tourism at Public Information Office ng mga ulat, abiso, at babala sa social media upang makaiwas ang mga kababayan sa peligro ng baha at banta ng leptospirosis at maiwasan ang pagpanic ng madla laban sa pagkalat ng anumang fake news.