Bayanihan sa Dike Cleaning at Mural Painting, Binuhay ang Kulay ng Pista’y Baley ‘26

ni Kelvin Carl Baraoed

Nagkaisa ang mga opisyal, kabataan, at mga volunteer sa isinagawang dike cleaning and painting activity, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pista’y Baley 2026 at ika-412 Founding Anniversary ng bayan ng Bayambang, ika-30 ng Marso.

Pinangunahan nina Committee on Environment and Natural Resources Chair, Councilor Rhyan P. De Vera, at SK Federation President John Roy S. Jalac ang aktibidad. Katuwang sa operasyon ang Task Force Disiplina, mga opisyal ng Zone 1 at Zone 2, Local Youth Development Office (LYDO), at mga interns ng Sangguniang Bayan.

Ayon kay SK Federation President Jalac, ang nasabing environmental campaign ay inisyatibo ng Bali-Balin Bayambang Committee (BBB). Ipinaliwanag niya na dahil mga kabataan at estudyanteng tumatambay sa dike ang madalas maiwan ng kalat, nararapat lamang na kabataan din ang manguna sa paglilinis nito.

“Dahil kabataan at estudyante yung gumagawa ng kalat, mainam na kabataan at estudyante din yung mangunang maglinis sa area. Doon pumasok na i-spearhead ng mga SK Officials pati na ang interns ang dike clean-up drive,” ani Jalac.

Bukod sa paglilinis, tinampukan din ang programa ng mural painting na nilahukan ng mga Bayambangueño local artists upang palitan ang mga lumang pinta sa dike. Layunin nito na hindi lamang linisin ang kapaligiran kundi bigyan din ng bagong buhay at kulay ang dike sa pamamagitan ng sining.

Binigyang-diin naman ni Councilor Rhyan P. De Vera, na ang proyekto ay paraan upang pagbukludin ang mga Bayambangueño sa pangangalaga sa bayan at kapaligiran.

Plano ng lokal na pamahalaan na lagyan ng string lights ang lugar upang gawin itong “aqua-eco space” at walk trail para sa mga joggers.

Samantala, gaganapin ang awarding ceremony para sa mga kalahok sa April 13, 2026, kasabay ng flag raising ceremony sa Municipal Hall. Ipalalabas din ang kanilang mga sining sa LED wall ng LGU upang mabigyan ng pormal na pagkilala ang kanilang talento sa harap ng mga kawani ng pamahalaan. (Larawan: Clint Dharyll Tucay)