Bayambang SLEO, Pinarangalan para sa Natatanging Serbisyo sa mga Migranteng Pilipino

Isang espesyal na pagkilala ang iginawad kamakailan kay SLEO at Migrant Desk Officer, Gernalyn Santos, bilang patunay ng kanyang matapat at masigasig na paglilingkod sa mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya.

Ang prestihiyosong Reintegration and Welfare Assistance Merit Award mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay ipinagkaloob sa opisyal bilang pagkilala sa kanyang mahalagang ambag sa pagpapalakas ng mga programang nakatuon sa kapakanan at reintegrasyon ng mga migranteng manggagawa.

Ipinagbunyi ng OWWA ang kanyang masigasig na pamumuno sa pagpapatupad ng mga makabuluhang programa at paglinang ng mga grassroots support systems na tumutulong hindi lamang sa OFWs kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya sa lokal na komunidad. Dahil dito, mas napalawak ang mga oportunidad at serbisyong sumusuporta sa migrant welfare at community empowerment sa Bayambang at karatig-lugar.

Ginanap ang seremonya ng paggawad noong Nobyembre 13, 2025 sa Subic Grand Harbour Hotel sa Subic, Zambales, kung saan pinangunahan ito ng Regional Director ng OWWA. Ang nasabing pagkilala ay isa sa mga patunay ng kampanyang “Alagang OWWA, Serbisyong May Puso,” na layong kilalanin ang mga tagapaglingkod na tunay na nagbibigay-halaga sa kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

Patuloy namang nangako ang naturang opisyal na ipagpapatuloy ang dedikasyon sa paglilingkod at pagpapalakas ng mga programa para sa kapakanan at pag-unlad ng mga OFW sa kanilang pag-uwi at muling pagharap sa buhay sa Pilipinas.

Ang parangal ay personal na tinanggap ni Santos ngayong araw lamang, Disyembre 2, sa MDO Year-end Assessment sa pangunguna ni OWWA Regional Director Gerardo C. Rimorin. (RSO; PESO)