Sa ginanap ng pulong sa unang quarter ng taon ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng Bayambang, tinalakay ang mahahalagang usapin tungkol sa pamamahala at pagiging kasapi ng Bayambang PWD Federation.
Dinaluhan ito ng mga pangulo ng samahan ng mga may kapansanan (PWD) mula sa iba’t ibang barangay ng bayan noong Marso 11, 2025, sa Balon Bayambang Events Center.
Sinimulan ang pulong sa pamamagitan ng pagtalakay at pag-apruba ng Konstitusyon at mga Alituntunin ng Bayambang PWD Federation.
Matapos ang masusing pagsusuri at deliberasyon, ito ay naaprubahan nang buong pagkakaisa, na nagpapakita ng isang mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng pundasyon ng organisasyon at sa patuloy na pangangalaga ng mga karapatan ng mga PWD sa bayan.
Isa pang mahalagang bahagi ng pagpupulong ay ang paghalal ng mga bagong opisyal ng pederasyon, sa pangunguna ni G. Johnson Abalos, Disability Affairs Officer.
Nahalal bilang Pangulo si G. Carlito Suyat, Pangalawang Pangulo si G. Efren Estabaya, Jr., Kalihim si G. Samuel Mendoza, Ingat-Yaman si G. Jerry Villaruel, Auditor sina Bb. Rosenda Buison at G. Rolando Todio.
Ipinahayag ng mga opisyal ang kanilang pangako na itaguyod ang inklusibidad at pagpapalakas ng lahat ng PWD sa Bayambang.
Bukod dito, tinalakay din sa pulong ang pagsusumite ng na-update na listahan ng mga PWD sa bawat barangay, na siyang pagsasamahin upang matiyak ang wasto at komprehensibong representasyon at tulong para sa mga PWD.
Nagkaroon din ng isang open forum kung saan binigyang-pansin ang mga hinaing at mungkahi ng mga kasapi. (JRA/RSO; PDAO)