Bayambang, Pinarangalan ng PhilRice

Pinarangalan ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang ng Department of Agriculture–Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) bilang pagbibigay-pugay sa LGU sa pagbibigay nito ng matatag na suporta at ambag sa pagpapalago ng rice research for development and extension (R4DE) sa bansa.

Ang parangal ay ginanap sa Rice R4DE Appreciation Night noong Nobyembre 25, 2025, sa DA-Crop Biotechnology Center Plenary Hall, PhilRice Central Experiment Station, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Ang pagkilalang ito ay tinanggap nina Councilor Jocelyn Espejo at Municipal Agriculture Office Agricultural Technologist Alfonso de Vera sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao.

Kasabay nito ang pagdiriwang ng 37th Ugnay Palay National Rice R4D Conference at ng ika-40 anibersaryo ng PhilRice, kung saan tampok ang pagbibigay-parangal sa mga katuwang na institusyon na nag-ambag sa mga inobasyon at programang nagpaunlad sa industriya ng bigas.

Kabilang ang Bayambang sa mga kinilalang katuwang dahil sa aktibong pakikipag-ugnayan at pagsuporta nito sa mga proyektong pang-agrikultura na layong gawing mas moderno, matatag, at ligtas ang produksyon ng bigas, sa pamamagitan ng dedikasyon ng bayan sa pagpapatupad ng mga programang sumusuporta sa rice research, farmer development, at agricultural innovation.

Ayon sa DA-PhilRice, ang patuloy na pakikipagtulungan ng Bayambang ay malaking bahagi ng kolektibong pagsisikap upang itaguyod ang mas masaganang sektor ng agrikultura at mas maunlad na industriya ng bigas sa Pilipinas. (RSO; MAO)