Bayambang, Pinalakas ang Kahandaan sa Sakuna sa Pamamagitan ng DRRM Orientation at Scientific Meeting

Ang pamahalaang bayan ng Bayambang ay nagsagawa ng isang Orientation on Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) at Scientific Meeting, upang higit pang mapalakas ang kaalaman at kahandaan ng mga barangay at lokal na opisyal hinggil sa mga panganib na dulot ng hydrometeorological hazards, alinsunod sa mga umiiral na batas at pamantayan sa DRRM.

Ito ay ginanap ngayong araw, Enero 19, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, sa pangunguna ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), sa temang, “Understanding Hydrometeorologic Hazards.”

Sa pambungad na mensahe ni LDRRM Officer Genevieve N. Uy, kaniyang binigyang-diin sa kahalagahan ng maagap na paghahanda at koordinasyon ng lahat ng sektor sa panahon ng sakuna.

Sa kaniya namang inspirasyunal na mensahe, ipinabatid ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang taos-pusong pasasalamat para sa lahat ng mga taong laging nakaagapay sa anumang sakuna na dumating sa bayan: “Kayo ang mga nauuna—ang unang rumesponde, ang unang umalalay, at ang unang tumitindig kapag may pangangailangan ang ating mga ka-barangay. Sa bawat sakuna, sa bawat babala, at sa bawat pagkakataong may dapat ipagtanggol, naroon kayo—tahimik ngunit matatag, handang magbigay ng tulong kahit may panganib sa sarili.”

Tinalakay ni Ms. Annika Rose M. Malicdem, LDRRMO I, sa nasabing aktibidad ang Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, kabilang na ang mga update sa inventory ng rescue equipment at ang mga impormasyon ukol sa Facebook page at hotline ng barangay para sa mas mabilis na komunikasyon sa oras ng emergency.

Samantala, nagbigay ng mas malalim na talakayan hinggil sa hydrometeorological hazards at sa Standard Operating Procedure ng San Roque Dam si Mr. Gregorio De Vera II, Senior Weather Specialist mula sa NPC, upang mas maunawaan ng mga dumalo ang mga posibleng epekto ng panahon at dam release sa mga komunidad.

Sa pagtatapos ng naturang programa, pinasalamatan naman ni Hon. Raymund C. Camacho, Municipal Councilor at SB Chairperson on Disaster Risk Reduction Management, ang lahat ng lumahok at nagpaalala sa patuloy na pagtutulungan para sa kaligtasan ng mamamayan. Kasunod nito ay isinagawa ang pamamahagi ng rescue equipment at disaster preparedness kits sa mga barangay.(JLT/RSO; Rob Cayabyab, AG)