Bayambang, Nakiisa sa Paggunita ng Ika-126 na Anibersaryo ng Labanan sa Tirad Pass

Nakiisa ang pamahalaang bayan ng Bayambang ngayong Disyembre 1 sa paggunita ng ika-126 na anibersaryo ng labanan sa Tirad Pass, kung saan bumisita sa ating bayan ang mga sumapi sa Byaheng Tirad Pass ngayong taon bilang isa sa mga bayang tinahak ng bayaning si Heneral Gregorio del Pilar patungong norte.

Matatandaang, ayon sa kasaysayan noong 1899, pinangunahan ni ‘Heneral Goyo’ ang isang pangkat ng mga kawal upang protektahan ang landas na tatahakin ng pangulo ng Pilipinas na si Heneral Emilio Aguinaldo patungong Pasong Tirad habang tumatakas sa mga mananakop na sundalong Amerikano.

Sinalubong ni Municipal Tourism Information, Cultural Affairs Officer, Dr. Rafael Limueco Saygo, ang mga panauhin, kasama ng kanyang mga staff.

Gaya noong mga nakaraang taon, muling pinamunuan ni G. Isagani Giron ng Bulacan Salinlahi Inc. ang grupo, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines.

Ipinagmalaki ni Dr. Saygo ang mayamang kasaysayan ng Bayambang, kabilang na ang pagiging ikalimang kabisera ng Pilipinas noong panahon ng Unang Republika.

Matapos ang programa, ang mga bisita ay nagkaroon ng pagkakataong libutin ang museo ng Bayambang at ang Saint Vincent Ferrer Prayer Park, kung saan mas nakilala nila ang kultura at kasaysayan ng bayan. (VMF/RSO; JMB)