Bayambang, Nakiisa sa 2Q NSED 2026 sa Kabila ng Tirik ang Araw

Kahit na mainit ang panahon at tirik na tirik ang araw–at dahil walang pinipiling oras ang lindol–nakiisa pa rin ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa isinagawang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2026 ngayong Huwebes, Hunyo 18, 2026, bilang bahagi ng patuloy na paghahanda ng komunidad laban sa mga sakuna.

Sa ganap na 9:00 ng umaga, sabay-sabay na isinagawa ang earthquake drill sa iba’t ibang tanggapan at paaralan sa bayan, sa pangunguna ng MDRRMO-Bayambang at iba pang miyembro ng MDRRMC. Lumahok dito ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay, guro, at mga mag-aaral.

Sa NSED na ito, kapansin-pansin na suot-suot ng lahat ang kanilang hard hat bago pa man mag-“duck, cover, and hold” at bago sabay-sabay na mahinahong mag-evacuate palabas ng kani-kanilang gusali.

Dagdag pa nito ay ang simulation exercise para sa isang insidente ng emergency ambulance rescue na kinasangkutan ng isang animo’y duguang ‘casualty.’

Kasabay ng NSED ay ang pagpatay ng kuryente ng LGU at ang pagsindi ng back-up generator nito para makita ang pagresponde ng electrical engineer ng Munisipyo, partikular na kung gaano nito kabilis maibalik ang suplay ng kuryente pagkatapos ng paglindol.

Ang second-quarter NSED ay sinundan naman ng isang IT Disaster Recovery Drill ng ICT Office, kung saan tinesting ang pag-gana ng back-up internet connection ng LGU sa oras na biglaang mawalan ito ng internet access dulot ng paglindol.

Sa regular na aktibidad, muling sinasanay ang mga mamamayan sa tamang pagtugon kapag may lindol, upang makatulong sa kalmadong pag-iwas sa mga posibleng maging sakuna sa oras ng malawakang pinsala.

Sa pamamagitan ng gawaing ito, patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang ang kahandaan at kaligtasan ng bawat Bayambangueño sa panahon ng malakas na pagyanig ng lupa. (MADL/RSO; JMB, AG, MDRRMC)