Bayambang, Nakiisa sa 1Q NSED 2026

Nakiisa ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa isinagawang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2026 bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kahandaan ng komunidad laban sa sakuna.

Isinagawa ang drill noong Huwebes, Marso 12, 2026, ganap na 3:30 ng hapon, kung saan aktibong lumahok ang libu-libong indibidwal mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan (elementarya at sekondarya), 77 barangays, Child Development Centers, LGU Safety Officers, mga department at unit heads, kawani ng lokal na pamahalaan, at mga non-government organizations.

Kapansin-pansing, sa unang pagkakataon, suut-suot ng mga mag-aaral at kawani ng LGU ang mga hard hat na idinonate ng LGU sa inisyatibo ni Mayor Niña Jose-Quiambao.

Batay sa Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act at alinsunod sa Local Disaster Risk Reduction and Management Plan ng Bayambang, layon ng drill na sanayin ang mamamayan sa tamang pagtugon sa pamamagitan ng “Duck, Cover, and Hold” at iba pang ligtas na hakbang. Bukod dito, ito ay tugon rin sa Sendai Framework for Action 2015–2030 na naglalayong bawasan ang pinsala ng mga sakuna sa pamamagitan ng kolektibong aksyon.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), sa pamumuno ni Mayor Niña bilang chairperson, ang nasabing pagsasanay sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga national agencies, paaralan, barangay, at pribadong sektor.

Nakiisa sa aktibidad ang mga guro at mag-aaral mula sa pampubliko at pribadong paaralan, mga kawani ng lokal na pamahalaan na ginabayan ng kanya-kanyang designated safety officers, at kinatawan mula sa 77 barangay ng bayan. Sinuri rin ang mga protocol sa paglikas, komunikasyon, at agarang pagtulong sa mga nasugatan gamit ang mock rescue operations.

Bago ang NSED, nagkaroon muna ng briefing ang lahat ng Safety Officers at responders sa MDRRMO Operation Center Conference Room.

Pagkatapos ng NSED, ang lahat naman ng Safety Officers ay nagsumite rin ng komprehensibong mga evaluation form, at umattend ng debriefing session sa Mayor’s Conference Room upang talakayin ang mga naging strengths at weaknesses ng naging drill.

Ayon kay LDRRM Officer Genevieve N. Uy, mahalaga ang ganitong uri ng regular na pagsasanay upang masanay ang publiko sa maayos at organisadong paglikas at agarang pagtugon sa oras ng emerhensiya. (John Andrew Bacani/RSO; JMB, MDRRMC/BDRRMC members)