Matagumpay na naging host ang bayan ng Bayambang sa culmination at solidarity meeting ng “Distinguished Gentleman’s Ride (DGR) 2026” nitong Mayo 17, 2026 sa St. Vincent Ferrer Prayer Park sa pangunguna ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO).
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng daan-daang riders mula sa iba’t ibang motorcycle groups sa Pangasinan at Tarlac bilang bahagi ng pandaigdigang ride para sa adbokasiya ng men’s health at mental health awareness. Tampok sa pagtitipon ang mga riders na nakasuot ng eleganteng kasuotan habang sakay ng kanilang classic at vintage motorcycles, alinsunod sa tradisyon ng Distinguished Gentleman’s Ride.
Naging panauhing pandangal si Mayor Niña Jose-Quiambao, na nirepresenta ni Councilor Jocelyn S. Espejo. Aniya, “Isang malaking karangalan para sa Bayambang na maging destinasyon ng inyong adbokasiya.”
“Narito tayo para sa isang misyon, ang basagin ang katahimikan tungkol sa kalusugan ng mga lalaki. Kadalasan, inaasahan ang mga lalaki na maging matigas at siga. But let us be clear: True strength is not about being untouchable; it is the courage to seek care. Ang pag-aalaga sa mental health at prostate awareness ay hindi kahinaan kundi tanda ng tunay na dignidad at pagmamahal sa pamilya,” dagdag niya.
Nagsimula ang assembly ng mga kalahok sa CSI Stadia parking area bago isinagawa ang take-off ride patungong Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park, Brgy. Bani, kung saan ginanap ang culminating activity at solidarity meeting.
Naging sentro ng programa ang pagpapalakas ng pagkakaisa ng riding community habang isinusulong ang kamalayan ukol sa kalusugan ng kalalakihan sa pamamagitan ng pakikiisa sa Movember advocacy.
Sa pamamagitan ng pagiging host ng nasabing aktibidad, muling ipinakita ng Bayambang, sa pangunguna ng MTICAO, ang suporta nito sa mga makabuluhang programang nagtataguyod ng turismo, camaraderie, at social awareness. Naging matagumpay rin ang programa sa pagdadala ng mga bisita at riders sa bayan na nagbigay sigla sa lokal na komunidad at turismo. (RSO; AG)














