Bayambang, Nag-host ng Q2 PESO/JPO Meeting at Learning Session ng DOLE

Nagsilbing sentro ng talakayan sa mga programang pang-empleyo at labor compliance ang Bayambang nang idaos ang 2nd Quarter Public Employment Service Office/Job Placement Office (PESO/JPO) Meeting cum Learning Session on Occupational Safety and Health (OSH) Law at Department of Labor and Employment (DOLE) Online Compliance Portal sa Mayor’s Conference Room ng Municipal Hall, June 25, 2026.

Pinangunahan ng DOLE–Central Pangasinan Field Office (CPFO) ang pagpupulong na dinaluhan ng mga kinatawan ng PESO at JPO mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa lalawigan.

Sa mensaheng ipinabatid ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ng kanyang kinatawan, Municipal Administrator Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, muling ipinahayag ng lokal na pamahalaan ang suporta nito sa mga programang pang-empleyo. “Our PESO is our cornerstone in our efforts in our Rebulusyon Laban sa Kahirapan. We are very proud of the regular job fairs and employment activities we conduct, which play a crucial role in empowering our citizens and boosting local employment,” ani Atty. Sagarino-Vidad.

Nagbigay rin ng mensahe si DOLE-CPFO Head Rhodora D. Dingle, bilang kinatawan ni DOLE-RO1 Regional Director Honorina Dian-Baga, at hinikayat na ipagpatuloy ang kanilang mahusay na paglilingkod at pagpapatupad ng mga programang nagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mga Central Pangasinan.

Tinalakay sa pagpupulong ang iba’t ibang update at programa ng DOLE sina Mica Jean Q. Batulan para sa Government Internship Program (GIP) at DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), Yves Christian A. Zabala para sa Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP), at Lizlee C. Puzon para sa TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.

Ibinahagi ni Engr. Leslie Ann B. Ancheta ang mga ulat hinggil sa National Skills Registration Program (NSRP), PESO Employment Information System (PEIS), PhilJobNet (PJN), at mga naging accomplishment ng mga PESO. Kasunod nito, pinangunahan niya ang Learning Session on Occupational Safety and Health (OSH) Law o RA 11058 at DOLE Online Compliance Portal upang palawakin ang kaalaman ng mga kalahok tungkol sa kaligtasan at kalusugan sa lugar ng trabaho, gayundin sa paggamit ng online compliance system ng DOLE.

Pinangunahan naman ni Rhodora D. Dingle, ang talakayan sa iba pang mahahalagang usapin at mga susunod na hakbang upang higit pang mapalakas ang koordinasyon ng mga PESO at JPO sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng pagpupulong, muling pinagtibay ng DOLE-CPFO at mga lokal na tanggapan ng PESO at JPO ang kanilang pagtutulungan upang higit na mapalakas ang mga programang pang-empleyo, pangkabuhayan, at proteksyon sa paggawa para sa mga mamamayan sa kanilang nasasakupan. (Lara F. Apolonio/RSO; JMB)