Naging abala ang lahat ng pinuno ng LGU at national line agencies sa pagdating ng national validators ng Department of the Interior and Local Government Regional Office 1 upang mag-assess para sa Seal of Good Local Governance o SGLG.
Ang evaluation team ay pinangunahan ni DILG Program Manager Calvin Noluis Lubrin; Cluster Leader, LGOO VII Melinda M. Buada; LGOO VJayen San Diego, at LGOO II Alvin Rosario.
Kaagad na umikot ang validators sa Municipal Hall, Events Center, MRF, Wawa Evacuation Center, Annex Bldg., RHU I, MDRRMO, PWD access ramps, Public Market, public restrooms, Sancagulis Barangay Hall, at St. Vincent Ferrer Prayer Park upang mag-inspeksyon.
Sa Mayor’s Conference Room, isa-isa nilang vinalidate ang mga papeles ng kada departamento at ahensya.
Sa paggabay ni Bayambang MLGOO Editha Soriano, inilatag ng mga department head ng iba’t ibang opisina ng LGU Bayambang at maging ng mga opisyal ng PNP, BFP, at DepEd ang mga nauukol na dokumento ayon sa sampung aspeto ng lokal na pamamahala, kabilang ang Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Health Compliance and Responsiveness; Social Protection and Sensitivity; Youth Development; Safety, Protection, and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Sustainable Education; Environmental Management; at Tourism, Heritage Development, Culture and Arts.
Naroon din ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan upang ipakita ang kanilang suporta at kagustuhan na masungkit ang SGLG sa pagkakataong ito para sa bayan ng Bayambang. (KALB/RSO; AG)