Muling pinatunayan ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang ang mahusay at responsableng pamamahala sa pananalapi matapos nitong makamit ang CY 2025 Good Financial Housekeeping (GFH) Passer recognition mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang pagkilalang ito ay iginagawad sa mga lokal na pamahalaan na nagpapakita ng mataas na antas ng transparency, accountability, at wastong paggamit ng pondo ng bayan. Patunay ito na ang Bayambang ay patuloy na sumusunod sa mga pamantayan ng mabuting pamamahala at mahusay na financial management.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang nasabing tagumpay ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga opisyal at kawani ng munisipyo upang matiyak na ang bawat pondong bayan ay nagagamit nang maayos para sa kapakanan at pag-unlad ng mamamayan.
Ang pagkamit ng Good Financial Housekeeping Passer status ay isa na namang mahalagang karangalan na nagpapatibay sa layunin ng Bayambang na maghatid ng tapat, mahusay, at makabagong serbisyo publiko para sa lahat.

