Bayambang, Kauna-unahang Munisipalidad na may Barangay Nutrition Support Group sa Region I

Nagsagawa ng pulong ang Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD), katuwang ang Municipal Nutrition Action Office (MNAO), ukol sa ginawang pagtatag ng mga Nutrition Support Group (NSG) sa lahat ng barangay, bilang isang mahalagang hakbang ng ahensya tungo sa pagpapalakas ng nutrisyon sa mga komunidad. 

Ang tinaguriang NSG ay kinabibilangan ng 539 na miyembro mula sa 77 na barangay: 77 na Punong Barangay, mga BHW, BNS, Barangay Population Worker (BPW), KALIPI members, at iba pang mga miyembro na may adbokasiyang pangnutrisyon.

Sa pulong na ito, ang mga naturang miyembro ng NSG ay natuto ng iba’t ibang aspeto ng implementasyon ng mga nutrition program ng gobyerno, mula sa pagpaplano hanggang sa pagbibigay ng mga serbisyo sa kabarangay.

Ang aktibidad ay ginanap noong November 21, 2024, sa Events Center.

Pambungad na mensahe ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan para sa mga kalahok, “‘Health is wealth’ kaya marapat lamang na ingatan natin ang ating kalusugan at nutrisyon, at samahan ninyo kami na ipromote ang malusog na kalusugan sa ating bayan.”

Sa inspirasyunal  na mensahe naman ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ang kahalagahan ng tamang nutrisyon aniya ay “hindi lamang para sa mga bata at kabataan, kundi pati na rin para sa mga nakatatanda, bilang pundasyon ng kalusugan at mas mahabang buhay. At hindi magtatagumpay ang programa kung wala ang partisipasyon ninyo upang masustain ang mga programang pangkalusugan (ng gobyerno).”

Naging resource speakers dito sina Jovita Leny Calaguas na representante ng DOH; Municipal Health Officer, Dr. Paz Vallo; MLGOO Editha Soriano; MSWDO BPW Focal Person Alta Grace Evangelista; at KALIPI President Jocelyn Espejo.

Kanilang tinalakay ang mga importanteng kaalaman ukol sa R.A. 11223, o mas kilala bilang Universal Health Care Act of 2019, ang mahalagang papel ng PhilHealth at ang benepisyo ng pagiging miyembro nito sa pagkamit ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat, family planning, mga direktiba mula sa DILG na konektado sa nutrisyon, at higit sa lahat ang mahalagang tungkulin sa pagpapalaganap ng kamalayan sa nutrisyon at pagbibigay ng suporta sa pagpapabuti ng kalusugan ng bawat Bayambangueño.

Bukod sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng NSG, nabanggit din ni Gng. Calaguas na “ang Bayambang ang kauna-unahang bayan (bukod sa lungsod ng Dagupan) na mayroong Nutrition Support Groups na may suporta ng DOH.”

Nagbigay din ang DOH-CHD ng nutrition commodities: mga kits para sa NSG para magamit nila sa barangay, kabilang ang payong, water tumbler, at tote bag.

Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, inaasahang mas mapapalakas ang kakayahan ng mga NSG sa barangay na magbigay ng tamang impormasyon at gabay sa mga indibidwal at pamilya na nangangailangan ng suporta sa larangan ng nutrisyon. (Vernaliza M. Ferrer/RSO; larawan ni Patrick Salas)