Bayambang, Kauna-Unahang LGU sa Pangasinan at Region 1 na Ginawaran ng Special Notice of Compliance para sa LPTRP

Pormal na iginawad sa LGU-Bayambang ang Special Notice of Compliance para sa pagbalangkas ng isang maayos na Local Public Transport Route Plan (LPTRP) 2025-2029, sa isang seremonyang pinangunahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region I sa Mayor’s Conference Room ngayong araw, Hunyo 22, 2026.

Sa pagbubukas ng programa, ipinaabot ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ang pasasalamat sa lahat ng ahensya at tanggapan na naging katuwang sa pagbuo ng transport plan ng bayan, na isang hakbang patungo sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon.

Sinundan ito ng presentasyon ng LPTRP ng LGU-Bayambang ni Sylvester S. Calderon, MPDO Statistician III, na tinalakay ang sustainable public transport at modernization program, kabilang ang “Downtown Loop Route via Zone IV Junction – Burgos St.” na magpapahusay sa mobility at accessibility ng mga Bayambangueño.

Pinuri naman ni LTFRB Region 1 Regional Director Cristal R. Sibayan ang dedikasyon ng LGU-Bayambang sa pangunguna sa paghahanda at pagsasakatuparan ng LPTRP alinsunod sa mga pamantayan ng LTFRB.

Pormal na iginawad ang Special Notice of Compliance ni Atty. Mark Anthony Espenilla, Chief Transport Development Officer ng LTFRB.

Ayon sa LTFRB, ang Bayambang ang kauna-unahang bayan sa Pangasinan at Region 1 na nabigyan ng Special Notice of Compliance para sa LPTRP 2025-2029.

Sa kanyang acceptance message, nagpasalamat si Mayor Niña Jose-Quiambao sa MPDO at LTFRB Region 1 para sa kanilang mahalagang papel sa pagkamit ng pagkilalang ito, na magsisilbing daan tungo sa mas ligtas, episyente, at makabagong sistema ng pampublikong transportasyon sa Bayambang.

Nagtapos ang programa sa mensahe ni Municipal Councilor Zerex Terrado, RCE, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng LGU at mga national government agencies para sa isang mas maunlad na Bayambang. (KLB/RSO; RobC, JMB)