Muling pinatunayan ng Bayambang ang matatag nitong pananalapi matapos itong manguna bilang Top 7 sa Pangasinan at Top 11 sa buong Region I sa usapin ng Locally Sourced Revenue (LSR) para sa unang kuwarter ng 2026, ayon sa datos ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) Statement of Receipts and Expenditures. Umabot sa ₱75,431,163.22 ang kabuuang lokal na kitang nalikom ng bayan sa nasabing panahon.
Ang pagkilalang ito ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng lokal na pamahalaan at ng mga masisipag at responsableng nagbabayad ng buwis sa Bayambang.
Ang bawat buwis na naibabayad ay nagiging mahalagang puhunan upang maisakatuparan ang mga programa at proyektong direktang nakikinabang ang bawat Bayambangueño.
Sa pamamagitan ng patuloy na paglago ng lokal na kita, naipagpapatuloy ng LGU-Bayambang ang pagpapalawak ng mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, imprastraktura, agrikultura, kabuhayan, at iba pang programang naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng mamamayan. Nagiging posible rin ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga pampublikong pasilidad, pagpapaigting ng mga serbisyong panlipunan, at pagpapatuloy ng mga proyektong pangkaunlaran sa iba’t ibang barangay.
Ang inyong pamahalaang bayan ay taos-pusong nagpasasalamat sa lahat ng residente, negosyante, at iba pang tapat na nagbabayad ng buwis. Ang kanilang tiwala, pakikiisa, at maagap na pagtupad sa kanilang obligasyon bilang taxpayers ang nagsisilbing matibay na sandigan sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang. (RSO; MADL)

