Umuwing may ngiti sa mga puso at labi ang mga magsasakang Bayambangueño sa pagdiriwang ng Farmers’ Day sa unang araw ng paggunita ng 411th Pista’y Baley 2025 ng Bayambang, Marso 31.
Sa isang talumpati, binigyang diin ni Municipal Mayor Niña Jose Quiambao ang kahalagahan ng ginagampanang papel ng mga magsasaka sa ating lipunan.
“Hindi matatawaran ang inyong sipag at sakripisyo sa ngalan ng pamilya at ng kaunlaran ng bayan. Kayo pong mga magsasaka ang dahilan kung bakit bawat Bayambangueño ay may naihahain sa kanilang hapag-kainan.”
Naghanda rin ng iba’t ibang mga patimpalak ang LGU para lalong mabigyang saya ang magsasakang Bayambangueño.
Mayroong 161 magsasaka ng nakatanggap ng gantimpalang pera. Dalawampu ang nakapag-uwi ng P1,000, 100 naman ang nagkamit ng P2,000, 30 ang nakakuha ng P5,000, sampu naman ang nakatanggap ng P10, 000, at isang mapalad na magsasaka ang nakakuha ng P50,000.
Nagpaligsahan din ang bawat distrito sa pagandahan ng kubo na dinisenyuhan nila ng iba’t ibang gulay at prutas mula sa kanilang sariling ani.
Dagdag pa rito, nagkaroon din ng Farmers Got Talent kung saan ipinamalas ng 10 kalahok ang kani-kanilang talento sa pag-awit.
Sa pagtatapos ng okasyon, nagbigay ng mensahe ang dating alkalde ng Bayambang na si Dr. Cezar Quiambao. Bilang pasasalamat sa sipag at sakripisyo ng mga magsasakang Bayambangueño, nangako itong magpapatayo pa ng dalawang full storage ng sibuyas sa bayan ng Bayambang sa lalong madaling panahon.
Isinulat n: Djonna Catrise V. Bato
Mga Larawan ni: Aaron Gabriel P. Mangsat
Iniwasto ni: G. Frank Brian S. Ferrer / G. Mark Ivhan Jay N. Peralta