Bayambang Christmas Bazaar 2025, Binuksan sa Plaza!

Matagumpay na binuksan ng Office of the Special Economic Enterprises ang pagbubukas ng Bayambang Christmas Bazaar 2025 noong Nobyembre 17 sa Municipal Plaza, kung saan ito ay dinagsa ng mga pamilya, kabataan, at kaibigang sabik maramdaman ang simula ng Kapaskuhan.

Tampok sa bazaar ang iba’t ibang lokal na produkto, food stalls na may sari-saring putahe at inumin, at iba pang panindang nagbigay kulay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Bukod sa paghatid ng masayang holiday experience, layon ng proyekto na tulungan at palakasin ang kabuhayan ng mga lokal na negosyante.

Sa gitna nito, umugong ang masiglang himig ng Vien Band, isang lokal na banda, na nagbigay kasiyahan sa buong magdamag sa mga namasyal.

Dagdag pa rito, maraming bisita mula sa mga karatig-bayan ang dumayo upang makisaya at mamasyal sa Christmas Bazaar. Napukaw din nito ang interes ng mga vlogger na nagdokumento ng mga kaganapan at nagbahagi ng mga kani-kanilang karanasan sa social media at ito ay nagdagdag ng higit na sigla at publikong atensyon sa pagbubukas.

Naging matagumpay ang unang araw ng bazaar, at patuloy na inaasahang dadalawin ng marami sa mga susunod na gabi habang ramdam na ramdam ang masigla at maliwanag na Kapaskuhan sa puso ng bayan ng Bayambang. (RSO, CMSJ; RJM)