Bayambang Animal Shelter, Binuksan sa Pista‘y Baley 2026

ni Althea Bautista Ferrer, The Reflector

Pormal na binuksan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang Bayambang Animal Shelter, kasabay ng Animal Fashion Show, nitong Marso 28, 2026, mula 1:00 hanggang 7:00 ng gabi sa Brgy. Amanperez, Bayambang, Pangasinan.

Ang nasabing aktibidad ang nagsilbing unang event ng Pista‘y Baley 2026. Ayon sa mga dumalo, isang payak ngunit makabuluhang programa ang naihatid sa publiko, isang okasyong tiyak na mag-iiwan ng marka sa puso ng bawat Bayambangueño.

Sa pahayag ni Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Municipal Administrator at OIC Deputy ng Municipal Agriculture Office, inabot ng ilang taon ang pagpaplano para sa animal shelter na nagsimula pa noong 2022. Aniya, ang ideya sa pagpapatayo nito ay nagmula kay Mayor Niña, na matagal nang isinusulong ang kapakanan ng mga hayop sa bayan. Kasabay din nito ang hangaring maiiwas sa sakit na rabies ng mga mamamayan dulot ng mga pagala-galang aso at pusa.

Naging tampok din sa programa ang nakatutuwang Animal Fashion Show, kung saan rumampa ang mga furbabies suot ang kani-kanilang makukulay at malikhaing costume. Isa sa mga kalahok ay ang alagang aso ni King Charles Garcia, isang Grade 3 student mula sa Bongato East Elementary School. Nag-uwi ng parangal ang kanyang alagang si Bruno Mars, habang tumanggap din ng mga papremyo at treats ang iba pang lumahok.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Mayor Niña na nagsilbing inspirasyon niya ang kanyang ina, na madalas kumupkop at mag-alaga ng mga pagala-galang hayop sa Saint Vincent Ferrer Village. Ipinakilala rin niya sa publiko ang kanyang alagang asong si Claire, kasama ng iba pang aso at pusang naroon sa okasyon.

Pinasalamatan din ng alkalde ang lahat ng naging kabahagi sa tagumpay ng programa, kabilang ang LGU-Bayambang, mga tagapagtaguyod ng animal welfare, partner organizations, sponsors, at higit sa lahat, ang kanyang katuwang na si former Mayor Cezar T. Quiambao.

Ayon pa kay Mayor Quiambao, ang animal shelter ay hindi lamang isang pasilidad, kundi isang espesyal na tahanan at kanlungan para sa mga nilalang na madalas ay walang boses, walang sapat na pagkain, at walang masisilungan sa gitna ng ulan at hirap.

“Dito sa Bayambang, naniniwala tayo na ang tunay na malasakit ay walang pinipili; our love and service is for every creature of the Almighty Father,” pahayag ng alkalde.

Binigyang-diin din niya na ang tunay na sukatan ng pagiging makatao ay makikita sa paraan ng pakikitungo sa mga nilalang na walang kakayahang gumanti o suklian ang kabutihang ipinapakita sa kanila.

“Kindness to animals is not a luxury, it is a fundamental human virtue,” ani Mayor Quiambao.

Hinimok din niya ang lahat ng Bayambangueños at kabaleyan na huwag lamang ituring ang animal shelter bilang proyekto ng pamahalaan, kundi bilang proyekto ng bawat pamilyang Bayambangueño.

Sa masayang pagbubukas ng Bayambang Animal Center, nanaig ang mensahe ng malasakit, pagkalinga, at pagkakaisa—patunay na sa isang bayang may puso para sa lahat ng nilalang, may pag-asang mas marami pang buhay ang mabibigyan ng kanlungan at pagmamahal. (photos: Reina Fe Torralba, The Reflector)