Nakapagtala ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang ng 90% “High Functional” na rating sa isinagawang audit ng Anti-Illegal Drug Abuse Council (ADAC) para sa Calendar Year 2024.
Ang naturang mataas na marka ay patunay ng patuloy na pagsisikap at epektibong pagpapatupad ng mga programa at inisyatiba ng lokal na pamahalaan laban sa ilegal na droga sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao.
Kabilang sa mga sinuri sa audit ang functionality ng konseho, implementasyon ng mga proyekto, koordinasyon sa iba’t ibang ahensya, at ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa kampanya kontra droga.
Ipinapakita ng resulta ng audit na nananatiling matatag ang tindig ng LGU-Bayambang sa pagsusulong ng ligtas at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng mas pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaang bayan ang pakikiisa ng bawat Bayambangueño upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad. (RSO; WMC)

