Batch 1 ng First-Time Moms, Sumalang sa Project BUNTIS

Opisyal na inilunsad noong Disyembre 17, 2024 ang Project BUNTIS sa Municipal Health Office Conference Room.

Ang proyektong ito — na tinaguriang “Bantay sa Unang Ngiti, Tagumpay ng Ina at Sanggol – First 1,000 Days Oral Health Program para sa mga First-Time Moms” — ay naglalayong suportahan ang mga first-time moms mula sa kanilang pagbubuntis hanggang sa umabot sa dalawang taong gulang ang kanilang mga anak.

Dumalo ang 35 kalahok para sa unang batch ng nasabing programa.

Ang inisyatibong ito ay bunga ng pagtutulungan sa pagitan ng Rural Health Unit ng LGU Bayambang at Philippine Dental Association (PDA) Pangasinan Chapter, sa pangunguna nina Dr. Beah Perez-Bautista, Presidente, at Dr. Dave Francis Junio, Municipal Dentist, na siyang nanguna sa konseptuwalisasyon at paglulunsad ng proyekto.

Nagbigay ng mga lecture sina Dr. Marlene Lambido, MD, Obstetrician-Gynecologist, ukol sa “Pagbubuntis at Panganganak”; Rebecca Joy Paca, Rural Health Midwife ukol sa “Newborn Screening”; at Jessie Herrera, Public Health Nurse, ukol sa “Immunization Program.”

Dumalo rin sa programa upang magpakita ng suporta sina Dr. Paz Vallo, Municipal Health Officer (MHO), at sina Dr. Adrienne Estrada at Dr. Roland Agbuya, mga Rural Health Physicians (RHPs).

Samantala, nagbigay naman ng oryentasyon si Dr. Alma Bandong, Public Health Dentist I, ukol sa programa at nagsagawa ng oral examinations at dental charting para sa mga buntis na ina.

Ang inaasahang resulta ng programa ay ang pagiging orally fit ng mag-ina pagkalipas ng 1,000 araw, na ipagdiriwang sa pamamagitan ng isang graduation ceremony sa pagtatapos ng proyekto.

Ito ay simula pa lamang ng Project BUNTIS, at inaasahang ilulunsad ang Batch 2 sa susunod na taon. (DFJ/RSO/RGDS; photos: RHU I)