Batas sa Road Clearing, Ipinatupad; Nalsian Sur, Sinampolan

Isang emergency road clearing operation ang isinagawa ng LGU upang mahigpit na ipatupad ang batas laban sa mga market stall sa gilid ng highway.

Kinailangan ng Road Clearing Task Force na ipatupad ang batas matapos matagpuang nagbalik ang mga vendors na nirelocate sa isang bagong gawang puwesto na malapit din sa tabi ng nasabing mga stall.

Matatandaang ilang beses na harapang nakipag-usap ang Task Force sa mga nasabing vendors upang ipaliwanag ang utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos laban sa lahat ng road at roadside obstructions. Sa kasamaang palad, ang mga ito ay hindi tumupad sa usapan at sa halip ay piniling magpabalik-balik kahit pa nakaamba ang panganib ng mga rumaragasang sasakyan.

Binigyan din ng option ang mga naturang vendor na mag-apply ng puwesto sa Pamilihang Bayan, subalit ang mga ito ay nagmatigas pa rin.

Nananawagan ang LGU na hindi ito mag-aatubiling ipatupad ang batas, at umaapela sa lahat ng mamamayan na magkaroon ng disiplina para sa kaligtasan ng lahat at upang ang bayan ng Bayambang ay may kaayusan. (RSO; JMB)