Barangay Officials, Natuto sa Tamang Proseso ng Budgeting at Annual Investment Planning

Nag-organisa ang Municipal Budget Office, sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Planning and Development Office, ng isang libreng pagsasanay para sa mga punong barangay, barangay secretary, barangay treasurer, at barangay kagawad na pinuno ng Committee on Appropriations tungkol sa “Barangay Budgeting and Annual Investment Programming (AIP)” ngayong araw, ika-20 ng Agosto 2025, sa Pavilion 1, St. Vincent Ferrer Prayer Park.

Layunin ng pagsasanay na ito na mas mapalawak ang kaalaman ng mga opisyal ng barangay sa tamang proseso ng pagpaplano at pagbubuo ng badyet, gayundin sa maayos na paglalaan ng pondo para sa mga proyekto.

Naging resource speaker ang iba’t ibang opisyal ng LGU-Bayambang para talakayin ang mahahalagang paksa: Sangguniang Bayan Secretary Joel V. Camacho, na tumalakay sa “Sources of Income”; OIC-Municipal Planning and Development Officer Ma-Lene S. Torio, na nagfocus sa “Barangay Annual Investment Programming”; Municipal Budget Officer Marie Christine B. Terrado, na tumutok sa “Budget Preparation”; Barangay Accounting Head Elsie C. Dulay, na tumalakay naman sa “Barangay Disbursement Process.”; at Auralou Ramos, na nagpaliwanag ukol sa “Gender and Development Mainstreaming.”

Matapos ang serye ng talakayan ay isinagawa ang Open Forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong at magbahagi ng kanilang karanasan sa pagpapatupad ng badyet at investment programming sa kani-kanilang barangay.

Sa pamamagitan ng mga presentasyon at talakayan, naipakita ang mga mahahalagang aspeto ng prosesong pagbabadyet, kabilang na ang pag-prayoridad ng mga proyekto, transparency pagdating sa pondo, at pagtutok sa mga pangangailangan ng barangay at mga kabataan. (Dexter Cedie P. Cayabyab/KB/RSO; JMB)

#TotalQualityService

#NiñaAroTaka