Barangay Officials, Kumuha ng DRRM Course

Upang paigtingin ang kahandaan at kakayahan ng mga lingkod-bayan sa pagtugon sa mga sakuna at iba pang emergency situations sa kanilang mga komunidad, sinimulan noong Hunyo 8, 2026 ang tatlong araw na Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Course for Public Sector sa Balon Bayambang Events Center, Bayambang, Pangasinan.

Nakilahok sa naturang training ang mga iba’t ibang DRRM officials sa District IV na kinabibilangan ng mga Punong Barangay, Barangay Kagawad, SK Chairman, at SK Kagawad.

Sa pambungad na mensahe ni Ms. Genevieve N. Uy, LDRRMO V, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at pagpapalawak ng kaalaman ng mga lingkod-bayan upang higit na mapahusay ang pagtugon sa mga sakuna at iba pang emergency situations.

Sinundan ito ng inspirasyonal na mensahe ni Municipal Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao. Aniya, “Ang sakuna ay hindi nagbibigay ng schedule. Disaster and tragedy strikes when we least expect it. The tragedy in the south reminds us that in the face of nature’s power, we cannot afford to be reactive. Our goal is to move from a culture of ‘rescue’ to a culture of ‘strategy.’ We must be proactive at all times. Ang paghahanda sa ating mga kababayan ay dapat nating isinasabuhay araw-araw. This is our sacred duty as public servants.”

Sa mensahe naman nina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at Councilor Raymund Camacho, kanilang hinikayat ang bawat indibiduwal na aktibong makilahok sa pagsasanay at gamitin ang mga kaalamang makukuha upang higit na mapalakas ang kaligtasan at katatagan ng komunidad laban sa mga panganib at sakuna.

Iprinesenta ni Ms. Virginia Pablo ng Office of Civil Defense Region I ang course overview, kung saan kaniyang ipinaliwanag ang mga layunin, saklaw, at mahahalagang paksa na tatalakayin sa buong kurso. Dumalo rin ang iba’t ibang opisyal sa iba’t ibang sektor ng gobyerno at nagbigay ng kani-kanilang paalala hinggil sa kahandaan sa sakuna. Kabilang dito sina Virginia F. Pablo, OCD R1, Engr. Greg de Vera II, DOST-PAGASA, at Vilma Vecino ng DENR-MGB.

Bilang panimulang pagsusuri sa antas ng kaalaman at pag-unawa ng mga kalahok sa mga paksang tatalakayin sa buong pagsasanay, nagsagawa muna ng Pre-Test sa simula ng programa.

1. Panimula sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) System

Ipinresenta ng Office of Civil Defense Region I (OCD-R1) ang kabuuang balangkas ng sistema ng DRRM sa bansa. Tinalakay dito ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga pambansa at lokal na ahensiya ng pamahalaan, mahahalagang polisiya, at mga mekanismo para sa paghahanda, pagtugon, pagbangon, at rehabilitasyon sa panahon ng kalamidad.

2. Pag-unawa sa mga Hydrometeorological Hazard

Pinangunahan ng DOST-PAGASA ang talakayan tungkol sa mga panganib na may kaugnayan sa panahon tulad ng bagyo, pagbaha, pagkulog at pagkidlat, storm surge, at iba pang hydrometeorological na pangyayari. Binigyang-diin sa lektura ang kahalagahan ng hazard monitoring, weather forecasting, at maagang babala upang mabawasan ang epekto ng mga sakuna.

3. Pag-unawa sa mga Geologic Hazard

Isinagawa naman ng DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang talakayan hinggil sa mga geological hazard tulad ng lindol, pagguho ng lupa, aktibidad ng bulkan, at ground rupture. Nagkaroon ang mga kalahok ng mas malalim na kaalaman sa pagtukoy ng mga hazard, pagtatasa ng panganib, at mga angkop na hakbang sa paghahanda upang mabawasan ang kahinaan ng mga komunidad sa mga sakuna.

Sa pamamagitan ng naturang pagsasanay, lalo pang napalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa disaster preparedness, risk reduction, at emergency response—mga mahahalagang sangkap sa pagtataguyod ng isang ligtas, handa, at matatag na pamayanan. (JLT/RSO; JMB, RobC-first two photos)