Masusing tinitingnan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang bawat pondong inilaan at ang maayos na implementasyon ng Barangay Nutrition Action Plan (BNAP) upang matiyak ang mas epektibo, de-kalidad, at napapanatiling serbisyong pangnutrisyon sa bawat barangay. Kaya’t bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng nutrisyon sa aspeto ng pananalapi at pagpaplano, isinagawa ang Barangay Nutrition Program Management (BNPM) Consultative at Reinforcement Training ngayong araw, Hulyo 16, 2026, sa Balon Bayambang Events Center, na dinaluhan ng mga Barangay Nutrition Scholar (BNS), Barangay Kagawad on Health, at Barangay Treasurer.
Layunin ng pagsasanay na higit pang paigtingin ang kanilang kakayahan sa pagpaplano, pagpapatupad, pagsubaybay, at pagsusuri ng mga programang pangnutrisyon sa kani-kanilang barangay.
Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, binigyang-diin ni Konsehal Jocelyn Espejo ang kahalagahan ng pagkakaisa at aktibong pakikilahok ng bawat barangay sa paglaban sa malnutrisyon. Aniya, sa pamamagitan ng mahusay na pagpaplano, tamang paggamit ng pondo, at sama-samang pagkilos ng mga lokal na lider, mas maraming pamilyang Bayambangueño ang makikinabang sa mga programang pangkalusugan at pangnutrisyon.
Nagbigay rin ng mensahe si Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, kung saan hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin ang mga kaalamang kanilang matututunan upang makabuo ng mga konkretong programa at proyekto na tunay na makatutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Nagbahagi naman ng mahahalagang kaalaman ang mga resource speakers hinggil sa iba’t ibang aspeto ng barangay nutrition governance. Tinalakay ni Ms. Wylibeth Binayan ng National Nutrition Council (NNC) Region I ang mga pambansang polisiya sa nutrisyon, ang Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN), at ang mahalagang papel ng Barangay Nutrition Committee sa pagpapatupad ng mga programang tutugon sa suliranin ng malnutrisyon. Ipinaliwanag naman ni MLGOO Arianne B. Peralta ang mga tungkulin ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatibay ng mga programang pangnutrisyon at ang kahalagahan ng aktibong paggampan ng bawat Barangay Nutrition Committee.
Samantala, binigyang-diin ni EnP Ryan James Nicholai L. Dizon, Municipal Planning and Development Coordinator, ang kahalagahan ng pagsasama ng Barangay Nutrition Action Plan sa mga lokal na development plan upang matiyak ang tuluy-tuloy na suporta at sapat na pondo para sa mga programang pangnutrisyon.
Tinalakay rin ni Mary Rose R. Aquino, OIC ng Barangay Financial Affairs, ang wastong pamamahala, paglalaan, at pagli-liquidate ng pondo upang matiyak ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga nutrition initiatives.
Bilang bahagi ng pagsasanay, nagsagawa ang mga kalahok ng workshop at breakout session para sa pagbuo at pag-update ng kani-kanilang Barangay Nutrition Action Plans, na kalaunan ay ipinresenta sa open forum upang mabigyan ng rekomendasyon at karagdagang gabay.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng pasasalamat si Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno, RND, sa lahat ng mga resource speakers, kalahok, at katuwang ng programa. Aniya, ang patuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng mga barangay nutrition leaders ay isang mahalagang hakbang upang makamit ang layunin ng Bayambang na magkaroon ng mas malusog, produktibo, at maunlad na pamayanan. (VMF/RSO; AG)












