Noong Abril 30, 2026, pinangunahan ni LDRRMO Genevieve N. Uy ang isang pulong kasama ang mga bamboo caretakers mula sa mga Barangay Amancosiling Sur, Amancosiling Norte, Bacnono, Carungay, Caturay, Hermoza, Malioer, Pangdel, Poblacion Sur, Pugo, Telbang, at Wawa. Ang pagpupulong ay ginanap sa Wawa Evacuation Center.
Sa nasabing pagpupulong, ibinahagi ni LDRRMO Uy ang pinakahuling datos at kasalukuyang kalagayan ng mga itinanim na kawayan sa bawat barangay. Tinalakay rin ang mahahalagang tungkulin at inaasahan sa bawat bamboo caretaker upang matiyak ang tuloy-tuloy na pangangalaga, pagpapanatili, at pagpapalago ng mga kawayan.
Kabilang sa mga napag-usapan ang mga susunod na hakbang gaya ng wastong bamboo clump management upang mapanatili ang kalusugan, tibay, at produktibidad ng mga tanim. Inilahad din ang mga planong pagsasanay sa bamboo crafting na magsisilbing karagdagang oportunidad sa kabuhayan.
Bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, nagsagawa rin ng pamamahagi ng “food for work,” kung saan ang bawat bamboo caretaker ay tumanggap ng limang (5) kilong bigas kada quarter ng taon.
Ang gawaing ito ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng MDRRMO na palakasin ang mga programang pangkalikasan at pangkabuhayan, habang itinataguyod ang paggamit ng kawayan bilang isang epektibong solusyon sa pagbawas ng panganib dulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.





