Dalawang bagong benepisyaryo ang tumanggap ng tig-isang bahay kubo na binili mula sa pondong nalikom mula sa mga pinakahuling “Ukay for a Cause” noong August 29, 2024 at March 25, 2025 at “Purple Fun Run for a Cause” noong March 8, 2025 bilang bahagi ng selebrasyon ng National Women’s Month.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng pabahay program ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na patuloy na tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang walang sariling tahanan.
Ngayong araw, Abril 29, 2025, opisyal nang naipagkaloob ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang mga bahay kubo sa pamilya ni Gng. Jackielyn Dumlao Castillo ng Brgy. Caturay at sa PNP Bayambang Checkpoint sa Brgy. Wawa.
Ang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Administrator’s Office, MSWDO, Engineering Office, at ng mga Barangay Council ng Wawa at Caturay.
Ang programang ito ay patunay ng malasakit ng LGU sa mga residenteng nangangailangan, isang kongkretong hakbang tungo sa mas maayos at makataong pamumuhay para sa lahat. (RGDS/RSO; AG)