Mula sa mga tahanang yari sa pinagtagpi-tagping materyales at araw-araw na pakikibaka para sa kabuhayan, sampung (10) pamilyang Bayambangueño ang nakatanggap ng isang biyayang matagal na nilang pinangarap—isang maayos at ligtas na tahanan.
Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ipinagkaloob ang sampung 10 bahay kubo sa mga piling benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay sa Bayambang. Kabilang sa mga tumanggap ang pamilya nina Evangeline dela Peña ng Brgy. Inanlorenza, Aninia Navarez ng Brgy. Warding, Francia Betito Tuazon ng Brgy. Pantol, Marilou Paningbatan ng Brgy. Maambong Parte, Benjie Agustin ng Brgy. Pangdel, Marilyn Fernandez ng Brgy. Macayocayo, Ednalyn Diron ng Brgy. Hermoza, Michelle Tamayo ng Brgy. Bongato West, Jackeline Castillo ng Brgy. Ambayat 1st, at Geeberlyn Aton ng Brgy. Caturay.
Sa kanyang emosyonal na mensahe sa mga benepisyaryo, inilahad ni Mayor Niña na, “Sometimes I want to give up being a public servant or being a mayor because I can help people even without being in a position, but these people are the proof why I am in this position. Salamat sa Diyos. God is good. God is amazing!”
Ang mga benepisyaryo ay hindi basta-bastang napili. Sila ay sumailalim sa masusing pagsusuri ng DSWD-MSWDO batay sa kanilang kalagayang pangkabuhayan at pamumuhay. Isinaalang-alang ang kanilang pinagkukunan ng kita, kalagayan ng kanilang tahanan, at pang-araw-araw na pamumuhay upang matiyak na ang tulong ay makarating sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Karamihan sa mga benepisyaryo ay mga manggagawa sa bukid, labandera, construction worker, at mga miyembro at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa kabila ng kanilang pagsusumikap at pagtitiis, nananatili nilang hamon ang pagkakaroon ng maayos na tirahan. Ngunit sa araw na ito, ang kanilang mga pangarap ay naging reyalidad.
Hindi lamang bahay kubo ang kanilang natanggap, sapagkat bawat pamilya ay pinagkalooban din ng solar lights, solar fans, at isang kaban ng bigas bilang dagdag na regalo ni Mayor Niña upang higit nilang maramdaman ang ginhawa at pag-asang dala ng kanilang bagong simula.
Sa simpleng bahay kubo ay nakatanim ang malalaking pangarap. Patunay lamang na sa Bayambang, ang tunay na serbisyo ay hindi lamang nakikita sa mga proyekto—ito ay nararamdaman sa mga buhay na nababago at sa mga pangarap na muling nabibigyan ng pagkakataong matupad. (JLT/RSO; RobC, AG)







