Bilang bahagi ng mas pinalakas na adhikain ng lokal na pamahalaan na isulong ang tamang nutrisyon at kalusugan ng mamamayan, pormal na binuksan ngayong araw, November 25, 2025, ang bagong tanggapan ng Bayambang Municipal Nutrition Action Office (MNAO) sa ground floor ng ECCD Building sa Magsaysay Street.
Ang opisina ay binasbasan ni Pastor Ilarde Aggabao.
Layunin ng paglipat na gawing mas accessible at episyente ang mga serbisyo at programa para sa nutrisyon, partikular na para sa mga vulnerable na sektor ng bayan.
Ayon kay Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno, ang bagong tanggapan ay magiging sentro ng mas aktibong pagpapatupad ng mga programa gaya ng community feeding initiatives, nutrition education seminars, at pagbibigay ng libreng nutritional supplements para sa mga bata at ina. “Mas magiging madali para sa mga residente, lalo na sa mga nasa malalayong barangay, na makahingi ng suporta. Ang layunin natin ay tuluyang puksain ang malnutrisyon at itaguyod ang mas malusog na pamumuhay sa bawat Bayambangueño.”
Paliwanag naman ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, sa ginawang paglipat, “Dapat ang mga government office ay welcoming, maaliwalas, at maganda, para ang mga clients ay maramdaman naman nila na special sila at gaganahan din magtrabaho ang mga empleyado.”
May espesyal na mensahe naman ang NNC Region 1 OIC-Director Kendal Pilgrim Gatan: “Nasurprise kami, kasi ito na yung isa sa pinakamagandang Nutrition Office na nakita namin sa buong Region 1. Ito ngayon ang magiging standard namin ng isang maayos at magandang Nutrition Office.”
Ang blessing ceremony ay dinaluhan din ng mga Municipal Councilor, department head, iba pang mga kawani ng Munisipyo, at iba pang panauhin.
Samantala, ang dating opisina ng Nutrition Office sa munisipyo ay magiging extension office ng Bids and Awards Committee (BAC). (VMF/RSO; JMB, MNAO)










