Bagong Kooperatiba ng mga Magsasaka ng Mais, Sumailalim sa Validation

Isinagawa ngayong araw ang isang validation activity ng Cooperative Development Authority (CDA) para sa bagong tatag na Bayambang Corn Farmers Agriculture Cooperative sa Agriculture Office Conference Room.

Layunin ng aktibidad na matiyak ang kahandaan at pagsunod ng kooperatiba sa mga itinakdang pamantayan bago ito ganap na mairehistro at makapag-operate bilang isang lehitimong kooperatiba.

Ito ay inisyatiba ng Municipal Cooperative Development Office (MCDO) at Municipal Agriculture Office (MAO), bilang bahagi ng kanilang patuloy na suporta sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa Bayambang.

Ayon sa mga kinatawan ng dalawang tanggapan, mahalaga ang pagkakaroon ng organisadong kooperatiba upang mapabuti ang produksyon, mapalawak ang oportunidad sa merkado, at mapatatag ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ng mais.

Inaasahan na sa tulong ng nasabing validation, mas mapapabilis ang proseso ng pagkilala sa kooperatiba at mabibigyan ng mas maraming benepisyo at programa ang mga kasapi nito sa hinaharap. Ang hakbang na ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang itaguyod ang kaunlaran ng agrikultura at kabuhayan sa bayan ng Bayambang. (RSO; MCDO)