Noong ika-24 ng Nobyembre 2025, opisyal na pinasinayaan ang bagong DMW Regional Office 1 Help Desk kasabay ng paglagda ng Convergence Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Migrant Workers (DMW), OWWA, DOLE, TESDA, at LGU-Bayambang.
Binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kahalagahan ng mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at national agencies upang mas mapangalagaan ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya.
Nagbigay naman ng mensahe sina Assistant Regional Director Romeo Jaramilla, at OIC Chief Administrative Officer Christian Brylle Navarro ng DMW RO 1, na nagpahayag ng kanilang layunin na mas mapalapit ang serbisyo ng kanilang ahensiya sa grassroots communities, kabilang ang mas mabilis na pag-aksyon sa mga concerns ng OFWs sa pamamagitan ng itinatayong help desk.
Kasunod nito ay isinagawa ang Convergence MOA Signing Ceremony kung saan opisyal na lumagda ang mga kinatawan ng DMW, OWWA, DOLE, TESDA, at LGU-Bayambang bilang simbolo ng kanilang pagkakaisa sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa proteksyon, reintegration, skills development, at suporta sa kabuhayan ng mga Bayambangueñong OFWs.
Sa mensahe ng suporta nina Family Welfare Officer Levy Kurt Dungan ng OWWA at Center Administrative PTC Urdaneta at Gerylyn Ped ng TESDA, pinuri ang inisyatiba ng LGU-Bayambang at tiniyak ang kanilang patuloy na pakikipagtulungan upang mapalawak ang serbisyong inihahatid sa mga OFW at kanilang pamilya.
Bilang bahagi ng programa, iginawad din kay Danica P. Oropesa mula sa Barangay Sanlibo ang P20,000 financial assistance sa ilalim ng “Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am at Sir” o SPIMS ng DMW.
Ito ay ang reintegration program ng DMW para sa mga OFW na LET passers, na tumutulong sa kanilang makapagbalik-bansa at makapagturo sa public schools. Sa pakikipagtulungan ng DepEd, nagbibigay ito ng permanenteng teaching positions at financial assistance na inangkop ng DMW sa pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Nagtapos ang programa sa ribbon-cutting ceremony bilang inagurasyon ng bagong DMW RO 1 Help Desk — na pinangunahan ni Mayor Niña, SLEO Gernalyn Santos, at mga staff ng PESO — tungo sa mas accessible at efficient na serbisyo para sa mga OFW.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na layunin ng pamahalaang lokal na patatagin ang ugnayan sa national government agencies at itaguyod ang mas inklusibo at responsive na serbisyo para sa bawat Bayambangueño. (KB/RSO; MLO, AG)






