Bagong Community Card, Hatid ang Mas Mabilis at Modernong Serbisyo sa Bayambangueño

ni Rochelle Tomas, The Reflector

Kasabay ng masayang pagdiriwang ng pista ng bayan, opisyal na inilunsad ang Enhanced Bayambang Community Service Card para sa mga Bayambangueño, ika-28 ng Marso, 2026.

Pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang seremonya kasama ang mga lokal na opisyal at kinatawan ng GCash, bilang bahagi ng patuloy na layunin ng pamahalaang bayan na gawing mas mabilis, mas madali, at mas epektibo ang paghahatid ng serbisyo sa bawat residente.

“Ito ay hakbang tungo sa mas mabilis at ligtas na sistemang pinansyal para sa mga Bayambangueño,” ani Mayor Niña.

Sa pamamagitan ng direktang pagpasok ng tulong at benepisyo sa GCash account, nababawasan ang abala at napapabilis ang mga transaksyon, lalo na para sa mga nasa laylayan ng komunidad.

Idinisenyo ang community service card upang mas maging maayos ang pagtanggap ng mga benepisyo at serbisyong pampamahalaan.

Sa sistemang ito, inaasahang magiging mas malinaw ang daloy ng tulong at mas mababawasan ang gastusin at oras ng mga benepisyaryo.

“I hope and expect that this service card will be well utilized by all of us, Bayambangueños. I hope that this will help make our transactions, billings, and other services more convenient,” ayon kay Arriane Tibay.

Hindi lamang simpleng paglulunsad ang naganap, kundi isang simbolo ng patuloy na pag-unlad at inobasyon sa bayan. Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang mas magiging inklusibo, episyente, at makabago ang serbisyong pampubliko para sa bawat Bayambangueño. (photos: Errol Andrade)