Bagong Central Terminal at Bagsakan Market sa Bayambang, Pormal na Binuksan!

Pormal na pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ang bagong tayong Bayambang Central Terminal at Bagsakan Market nitong Agosto 25, sa isang seremonyang dinaluhan ng mga opisyal, stakeholders, at mamamayan.

Ang modernong pasilidad, na matatagpuan sa kaliwang dulo ng Pangasinan State University-Bayambang Campus, ay itinuturing na makasaysayang hakbang para sa pagsasaayos ng transportasyon at pagpapalago ng ekonomiya ng bayan.

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, pinangunahan ni Special Assistant to the Office of the Mayor (SATOM), Dr. Cezar T. Quiambao, ang ribbon-cutting ceremony kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga LGU department head, at mga kawani ng munisipyo.

Matatandaang ang proyektong ito ay naging posible dahil sa magandang ugnayan sa pagitan ng LGU sa pamumuno nina Dr. Quiambao at Mayor Niña at ng PSU sa pamumuno ni University President, Dr. Elbert M. Galas.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Dr. Quiambao ang layunin ng proyekto: “Ang terminal at bagsakan market na ito ay hindi lamang pasilidad kundi simbolo ng pag-unlad. Magbibigay ito ng ligtas, maayos, at komportableng serbisyo para sa mga commuter at mamimili, gayundin ng oportunidad para sa mas maraming trabaho at negosyo.”

Ang dalawang pasilidad ay inaasahang magsisilbing bagong “hub” ng pampublikong transportasyon at komersyo sa Bayambang.

Ayon sa LGU, magkakaroon ng organisadong sistema ang mga jeepney at bus routes, na magpapadali sa biyahe ng mga commuter.

Samantala, ang Bagsakan Market ay magiging sentro ng murang gulay, prutas, at iba pang pangunahing bilihin na nabibili ng bultuhan, na direktang makatutulong sa mga vendor at mamimili dahil sa mas maluwang at kumportableng espasyo.

Pagkatapos ng  seremonya, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng isang open forum upang talakayin ang mga patakaran at hinaing ng mga vendor.

Kabilang sa napagkasunduan ang pagpapahintulot ng operasyon mula 6:00 PM hanggang 7:00 AM at ang pagtatakda ng P60 na bayad bawat lot para sa mga pwesto para matiyak ang patas at maayos na implementasyon ng mga alituntunin. (VMF/RSO; AG)