BADAC Skills Enhancement at RA 9165, Tinutukan sa Symposium

Sa pag-oorganisa ng Liga ng mga Barangay sa gabay ng DILG/MLGOO, idinaos noong  Hulyo 9, 2025, ang  isang symposium ukol sa Barangay Anti- Drug Council (BADAC) Skills Enhancement at RA 9165 na ginanap sa SB Session Hall.

Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga miyembro ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) mula sa iba’t ibang barangay sa bayan, kasama ang mga lokal na opisyal na kinatawan ng National Police Commission, (NAPOLCOM) Provincial Office at ng Philippine National Police (PNP) Bayambang)=.

Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga komunidad sa pagsugpo ng ilegal na droga sa pamamagitan ng pagpapalalim ng kanilang kaalaman sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni OIC Rodelito Bautista, pangulo ng Liga ng mga Barangay, ang papel ng pagkakaisa at kooperasyon sa pagitan ng mga barangay. “Sa tulong ng bawat isa, masusugpo at malalabanan natin ang problema sa droga.”

Sa mensahe naman ni Pltcol. Rommel P. Bagsic, hepe ng PNP Bayambang, siay ay nagpahalaga sa papel ng pamahalaan at mamamayan sa pagharap sa drug abuse, “Ang kamalayan at pagtutulungan ang pinakamabisang sandata laban sa ilegal na droga,” giit ni Bagsic.

Binanggit niya ang kahalagahan ng symposium bilang plataporma para pag-ibayuhin ang koordinasyon sa pagitan ng PNP, barangay, at mga residente. Dagdag pa niya, “Bawat isa sa inyo ay may mahalagang tungkulin: maging mata at tainga ng pamahalaan sa inyong nasasakupan.”

Naging guest lecturer si NAPOLCOM, Provicial Officer, Atty. Philip Raymundo S. Rivera na tinalakay ang programa ng mga teknikal na aspeto ng RA 9165, kabilang ang legal na proseso sa pagsasampa ng kaso, tamang paghawak ng ebidensya, at pagprotekta sa mga witness.

Nagkaroon din ng workshop ukol sa pagbuo ng community-based rehabilitation programs at pagtukoy sa mga vulnerable sectors, partikular sa kabataan.

Bahagi rin ng diskusyon ang paggamit ng social media at modernong teknolohiya para sa information campaign. Ipinunto rin nito na kailangan tugunan ang ugat ng problema tulad ng kawalan ng trabaho at kakulangan sa edukasyon.

Inaasahan ng lokal na pamahalaan na magbubunga ang symposium ng mas epektibong mga hakbang kontra droga sa mga susunod na buwan. Ang ganitong mga inisyatibo ay bahagi ng pangmatagalang adhikain ng Bayambang na maging “drug-free municipality” sa ilalim ng liderato ni Mayor Niña Jose-Quiambao.  (VMF/RSO; SDS)