Isang patimpalak na tinaguriang Awaran Quiz Bee ang ginanap sa Balon Bayambang Events ngayong araw, ika-14 ng Oktubre, 2025, bilang parte ng pagdiriwang ng Bayambang sa Tourism Month 2025.
Sa wikang Pangasinan, ang awaran ay nangangahulugan ng kasaysayan.
Ang aktibidad ay inorganisa ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO) sa ilalim ni MTICAO Head Rafael L. Saygo.
Labing-isang team na may tig-tatatlong miyembrong estudyante mula sa iba’t ibang pampublikong paaralang elementarya sa Bayambang ang lumahok dito.
Layunin ng Awaran Quiz Bee na itaas ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa turismo at kultura ng Bayambang, gayundin ang pagpapaigting ng kanilang kaalaman sa kasaysayan at mga importanteng lugar sa kanilang bayan.
Ayon sa MTICAO, ang aktibidad na ito ay bahagi ng kanilang programa upang hikayatin ang mga Bayambangueño na pahalagahan at ipagmalaki ang kanilang sariling bayan. Sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataan tungkol sa turismo at kultura, sila ay magiging mga ambahador ng ating bayan sa hinaharap.
Nanguna ang Sapang Elementary School bilang kampeon, na kinabibilangan nina Jazz Eiron Piapa Ebuan, Rica Joy L. Cruz-Alas, at Reean Audrey M. Paningbatan.
Sila ay sinundan ng Bayambang Central School bilang first runner-up, na kinabilangan naman nina Zakhia Joy Sipin, Chealsea Immanuel Junio, at Ferdinand Santos Jr.
Second runner-up naman ang pangkat mula ulit sa Sapang Elementary School na binubuo nina Rosalyn A. Abaya, Hellarie Jane C. Calimlim, at Isaac F. Tamayo.
Ang Awaran Quiz Bee ay isa lamang sa mga aktibidad na inihanda ng Bayambang para sa pagdiriwang ng Tourism Month 2025. (Mark Andrei de Luna, VMF/RSO; AG)












