Archbishop Villegas, Humanga sa Pananampalataya ng mga Bayambangueño; SVFP Church, Isa nang Opisyal na Archdiocesan Shrine!

Isang makasaysayang araw ang naganap sa bayan ng Bayambang noong araw ng Sabado, Abril 5, 2025, matapos pormal na ideklara ni Most Rev. Socrates B. Villegas, D.D., Arsobispo ng Lingayen-Dagupan, ang simbahan ng parokya ni San Vicente Ferrer bilang Santuario de San Vicente Ferrer.

Sa kanyang homiliya, nagpasalamat ang arsobispo sa Diyos sa pagbigay ng biyaya upang matamo ang naturang pagdedeklara. “We must thank God because this is not just an act of a bishop. This is an act of God,” pahayag ng arsobispo. “I am able to sign the decree only by the grace of God, only by the favor of the Church.”

Ipinaliwanag ni Villegas na tatlong pangunahing pamantayan ang isinasaalang-alang sa pagkilala sa isang simbahan bilang santuario. Ang una, ayon sa kanya, ay ang antiquity o ang kalumaan ng simbahan. “This church has been here for more than 400 years. Antiquity reminds us that there will come a time when antiquity will cease, and when that happens, life everlasting takes over.”

Ang pangalawang criterion niya ay beauty: “It must be beautiful in order to remind us that God alone can make beauty. Everything that is good is beautiful. And every beautiful thing is a reminder of the goodness of the Lord Himself.”

Ngunit ayon kay Villegas, ang pinakamahalagang pamantayan para sa isang simbahan na maituring na santuario ay ang taong mananampalataya. “Not just people, but devoted people. People who come here knowing that they are loved by God and want to express their love for Him. You, my dear people of Bayambang, you are the primary reason why we have a Santuario.”

Nagpasalamat din ang arsobispo sa walang sawang debosyon ng komunidad ng Bayambang. “Your devotion to St. Vincent has produced a bishop, priests, missionaries, and holy people. It can only be because the grace of God is at work in this town.”

Bilang bahagi ng kanyang mensahe, nag-iwan ng hamon si Villegas sa mga mananampalataya. “Please make sure that your soul is more beautiful than this church,” aniya. “May this church produce saints. …Saints like St. Vincent. …Saints like our ancestors.” Isang hamon sa bawat isa na ang pananampalataya at kabanalan ay hindi lamang makikita sa mga istruktura kundi sa mga puso ng mga tao.

Binanggit din ng arsobispo na ang simbahan ng parokya ni San Vicente Ferrer sa Bayambang ay itinuturing na siyang pinakamatandang simbahan sa Pilipinas na may patronahe ni San Vicente Ferrer, na isang patunay ng mga makulay na kasaysayan at pananampalatayang tumagal sa loob ng maraming taon.

Sa kanyang pagtatapos, muling iginiit ni Archbishop Villegas na higit sa anumang gusali, ang tunay na tirahan ng Diyos ay ang pusong tapat at may pananampalataya. “We are temples of the Lord,” aniya. “And the favorite place of God is not in buildings constructed by human hands. The favorite place of God is right in your heart.”

Kabilang sa mga dumalo sa makasaysayang pagdiriwang ang mga guro at mag-aaral ng St. Vincent’s Catholic School of Bayambang, Inc. at iba’t ibang sektor ng pamayanan, bilang pakikiisa sa bagong kabanata ng pananampalataya sa bayan. Dumalo rin si Dr. Cezar T. Quiambao, dating alkalde ng Bayambang, kasama ang anak nila ng kasalukuyang alkalde ng bayan, Mayora Niña Jose-Quiambao, na si Antonio, bilang pagbigay galang at pakikiisa sa kagalakang ito.

Ang deklarasyon ng simbahan ng parokya ni San Vicente Ferrer bilang isang santuario ay isang makasaysayang paalaala ng patuloy na pagpapalaganap ng pananampalataya at espiritwal na paglago sa buong bayan.

Isinulat ni: Mielcher DC. Delos Reyes

Mga Larawan nina: Princess Mae L. Abalaing, Zentheo R. Raguindin, Euro S. Gumahin, at Prince Charles S. Medel

Iniwasto ni: Mr. Frank Brian S. Ferrer