Anti-Sexual Harassment Orientation Activity, Isinagawa

Muling ipinamalas ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang pagtaguyod sa karapatan at kapakanan ng kababaihan, sa isinagawang “Safe Spaces, Strong Voices: A Women’s Month Orientation on Anti-Sexual Harassment” ngayong araw, ika-10 ng Marso 2026.

Ang aktibidad ay parte ng pagdiriwang ng Women’s Month at pagbibigay-diin sa kahalagahan ng ligtas na kapaligiran para sa lahat.

Dumalo rito ang mga kawani ng munisipyo at ilang intern, bilang pagpapakita ng kanilang pagsuporta at pagpapahalaga sa adbokasiyang ito.

Sa pambungad na mensahe ni Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Municipal Administrator, binigyang-diin niya ang progresibong paninindigan ng Bayambang pagdating sa women empowerment at ang pagtatatag ng safe spaces para sa kababaihan. “Dito sa Bayambang, very progressive tayo in terms of women empowerment. LGU-Bayambang women should have a safe space with you!”

Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga kabataan na respetuhin ang kababaihan mula pa sa murang edad: “Kailangan, bata pa lang, marunong nang rumespeto sa kababaihan.”

Nagsilbing Resource Speaker si Atty. Czarina Cherrize M. De Vera, Local Legislative Staff Officer V, ukol sa iba’t ibang “Forms of Sexual Harassment,” kung saan kanyang detalyadong ipinaliwanag ang mga karapatan ng kababaihan sa ilalim ng batas, lalo na ang Republic Act No. 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995.

Layunin ng kanyang diskusyon na bigyan ng kapangyarihan ang mga kababaihan sa pamamagitan ng kaalaman at upang makilala at labanan ang anumang uri ng pang-aabuso.

Bilang pagtatapos, pinagtibay ni Atty. Melinda Rose Fernandez, HRMO Head, ang mga aral at impormasyong ibinahagi, at kanyang hinikayat ang patuloy na pagkakaisa upang makamit ang isang bayang malaya sa diskriminasyon at pang-aabuso.

Ang matagumpay na paglulunsad ng “Safe Spaces, Strong Voices” ay isang malinaw na indikasyon ng dedikasyon ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa pagprotekta at pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan, at pagtitiyak na ang Bayambang ay mananatiling isang lugar kung saan ang bawat babae ay ligtas, pinapakinggan, at nirerespeto. (VMF/RSO; AG)