Sa bawat pagtatapos ay may isang kuwento. …Kuwento ng mga gabing walang tulog, ng mga luha at pangamba, ng mga pangarap na muntik nang sumuko ngunit piniling ipagpatuloy.
Noong ika-25 ng Hunyo, 2026, isinulat ng Bayambang Polytechnic College (BPC) ang isang makasaysayang yugto sa edukasyon nang idaos nito ang kauna-unahang Commencement Exercise na may temang “Ani tan Bagat: Say Unaan a Pansumpal.”
Pinangunahan ito siyempre ng founder ng BPC na si Dr. Cezar T. Quiambao, ang Chairman ng Board of Trustees na si Mayor Niña Jose-Quiambao, at College President, Dr. Rafael L. Saygo, gayundin sina Board Member Raul R. Sabangan, Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, at lahat ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Bayambang.
Pambungad ni Dr. Lita A. Saygo: “Ang 91 graduates ng Bayambang Polytechnic College, sila ang bida sa sandaling ito. Sila ay dumaan sa tiyaga at sakripisyo. Dumaan din sila sa mga pagsubok. Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay, pero never silang nag-give up.”
Dumalo rin sa makasaysayang seremonya si Dr. Danilo B. Bose, Chief Education Program Specialist ng Commission on Higher Education (CHED), bilang kinatawan ni Dr. Cherrie Melanie Ancheta-Diego, Regional Director ng CHED Region I, bilang pagpapakita ng suporta sa patuloy na pag-unlad ng institusyon.
Sa loob ng bulwagan ng Balon Bayambang Events Center, hindi lamang mga diploma ang ipinagkaloob. Ipinagdiwang dito ang mga pangarap na nagtagumpay at mga buhay na binago ng edukasyon.
Ang kauna-unahang ani ng BPC ay binubuo ng 91 graduates: 40 mula sa Bachelor of Science in Entrepreneurship at 51 mula sa Bachelor of Science in Agribusiness. Sa bilang na ito, limampu’t lima (55) ang first-generation college graduates, ang kauna-unahang nakapagtapos ng kolehiyo sa kani-kanilang pamilya. Labing-isa (11) naman sa mga nagtapos ay mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), patunay na ang kahirapan ay hindi hadlang upang maabot ang tagumpay.
Mayroon ding apat (4) na nagtapos na ginawaran ng academic distinction, bunga ng kanilang pagsusumikap at kahusayan sa pag-aaral. Ngunit higit sa mga bilang at parangal, ang araw na ito ay naging pag-aani ng pangarap at pag-aalay ng pag-asa.
Marami sa mga nagtapos ang anak ng mga magsasaka, manggagawa, at ordinaryong pamilyang nangarap lamang noon na magkaroon ng anak na makapagtatapos ng kolehiyo. Sa araw na ito, ang pangarap na iyon ay naging reyalidad.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Dr. Quiambao ang kanyang paniniwala sa kapangyarihan ng edukasyon at ang layunin ng pagkakatatag ng kolehiyo: “Ang BPC ay hindi itinayo para lamang magbigay ng diploma. Ito ay itinayo upang magbigay ng pagkakataon. Ito ay bunga ng paninindigang ang bawat kabataang Bayambangueño ay karapat-dapat magkaroon ng direksyon, kakayahan, at pag-asa na makapag-ambag sa pag-unlad ng ating bayan.”
Mensahe naman ni Mayor Niña: “My dear pioneering graduates, never ever forget the education you received from BPC. It is your shield, your sword, and one of your greatest weapons. Hindi natin itinayo ang BPC para lang magkaroon ng dagdag na gusali sa bayan. Itinayo natin ito para magsilbing kanlungan at bukal ng pag-asa para sa bawat nangangarap na Bayambangueño. We built BPC because we refuse to let poverty dictate the boundaries of your dreams.”
Sumunod dito ang pagpapakilala at paglalahad ng mga magsisipagtapos na pinangunahan ni Dr. Melchor L. Fernandez, Tagapagrehistro ng Kolehiyo, na sinundan naman ng paggawad ng mga degree sa pangunguna ni Dr. Saygo.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Dr. Saygo ang kanyang pagmamalaki sa kauna-unahang batch ng mga nagtapos: “Kapag tinitingnan ko kayo ngayon, nakasuot ng inyong toga at puno ng pag-asa sa hinaharap, malinaw na malinaw ang isang bagay: kayo ang patunay na tama ang naging desisyon na itatag ang BPC. Kayo ang unang bunga ng pangarap na ito. Kayo ang unang ani ng Bayambang Polytechnic College. Sa inyong tagumpay, nakikita natin ang katuparan ng isang pangarap. Kayo ang buhay na patunay na kapag ang isang bayan ay namuhunan sa edukasyon ng kabataan, ang dating pangarap lamang ay nagiging realidad. Ang dating imposible ay nagiging posible.”
Naging higit na makahulugan ang seremonya sa pagdalo ng Guest of Honor and Speaker na si Dr. Mudjekeewis D. Santos, Scientist V at Academician ng National Academy of Science and Technology (NAST) Philippines, na nagbigay ng inspirasyon at hamon sa mga bagong gradweyt.
“Your name, dear graduates, is your identity, your brand, your representation. Do not taint it but instead paint it. Paint it with colors of helping people and communities, with colors of conserving and sustaining the environment, with colors of being thankful. Help the agriculture and fisheries sector, which now is the poorest sector of the country, and where the threats to food and livelihood are so many. It can be overwhelming. We need you. We need all of you. Paint your name with courage, determination, and focus. Paint it with integrity, credibility, and humility. Paint it with the fear of the Lord. Carry that name with pride.”
Habang isa-isang umaakyat sa entablado ang mga nagtapos, kapansin-pansin ang mga matang namumuo sa luha—mga magulang na minsang nangarap lamang, mga kapatid na nagsakripisyo, at mga estudyanteng minsang nagtanong ng, “Kaya pa ba?”
Sa pagtatapos ng programa, tila iisa ang damdaming bumalot sa buong bulwagan: PASASALAMAT.
Pasasalamat sa mga magulang na hindi sumuko, sa mga gurong gumabay, sa pamahalaang nagbukas ng oportunidad, at sa Diyos na nagbigay ng lakas upang maani ang tagumpay.
Ang unang Commencement Exercises ng Bayambang Polytechnic College ay hindi lamang pagwawakas ng isang akademikong paglalakbay. Ito ay simula ng mas marami pang pangarap na tutuparin.
Ito ang unang ani ng Bayambang Polytechnic College—ani ng sipag, ani ng sakripisyo, at higit sa lahat, alay ng pag-asa. At sa araw na ito, ang 91 na bagong gradweyt ay hindi lamang tumanggap ng diploma. Sila ang naging buhay na patunay na kapag ang edukasyon ay ipinagkaloob sa bawat mamamayan, ang kahirapan ay hindi na kapalaran—kundi isang hamon na maaaring mapagtagumpayan. (RGDS/RSO; RobC, AG)






