“Ang Tunay na Kalinga ay ang Gobyernong Lumalapit sa Inyo” — Mayor Niña sa KSB Year 9

Hiyawan, palakpakan, at walang humpay na pasasalamat ang sumalubong kay Mayor Niña Jose-Quiambao, kasama ang mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang nang dalhin nito ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 sa Ambayat Integrated School (AIS) nitong June 24, 2026.

Pinangunahan ng Local Civil Registrar na si Ismael Malicdem Jr. bilang Overall Coordinator ang ikasiyam na taon ng programa na muling naghatid ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga residente ng Brgy. Ambayat 1st at Ambayat 2nd.

Dumalo rin sa programa sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Konsehal Rhyan de Vera, Konsehal Jan Nazer David Junio, Konsehal Jocelyn Espejo, at Konsehal Raymond Camacho na nagbigay ng kani-kanilang mga mensahe.

Sa kanya namang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng serbisyong direktang inilalapit sa mga mamamayan.

“Ang gobyerno po ay hindi dapat hinihintay lang sa munisipyo; ang tunay na kalinga ay ang gobyernong mismong lumalapit at yumayakap sa inyo,” ani ng alkalde.

Kasunod nito ay agad na inilunsad ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaang bayan, kabilang ang libreng health consultation sa pangunguna ng mga doktor ng bayan na sina Dra. Paz Vallo, Dra. Adrianne Estrada, at Dr. Roland M. Agbuya, gayundin ang legal consultation, aplikasyon para sa Enhanced Community Service Card, libreng gupit, pamamahagi ng binhi at punla, pamimigay ng tsinelas, at iba pang serbisyong inilaan para sa mga residente.

Nagdulot din ng kasiyahan sa mga dumalo ang surprise raffle draw kung saan namahagi si Mayor Niña ng 50 sako ng tig-5 kilong bigas. Nagkaroon din distribusyon ng libreng gatas para sa lahat ng mga dumalo at almusal na lugaw, bukod pa sa iba pang ayuda at serbisyong inihandog ng pamahalaang bayan.

Sa pagtatapos ng programa, nagpahatid ng pasasalamat ang mga residente, guro, at mag-aaral ng Ambayat 1st at Ambayat 2nd sa pamamagitan nina Punong Barangay Genaro Manangan ng Ambayat 1st, Punong Barangay Maximiano Basilio Jr. ng Ambayat 2nd, at AIS School Head, Dr. Janet Macam, bilang pagkilala sa patuloy na paglapit ng pamahalaang bayan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan. (RGDS/RSO; RobC, AG)